Nahaharap ngayon sa kasong tax evasion ang isang cardiologist ng St. Luke’s Medical Center at dalawa pang negosyante dahil sa umano’y hindi pagbayad ng tamang buwis na aabot sa P267 milyon.
Sa hiwalay na kasong kriminal na inihain sa Department of Justice (DoJ), kinilala ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Jacinto Henares ang akusado na si Dr. Benedict Lazatin ng St. Luke’s Medical Center at Ignacio de Guia Santos, may-ari ng IDS Employment Services sa Pulilan, Bulacan.
Ang ikatlong respondent ay si Thomas Pohang III, pangulo ng TFN Far East, wholesaler ng Mabini St., Caloocan City.
Sinampahan ng kaso si Lazatin dahil sa umano’y hindi pagbayad ng P25.9 milyong halaga ng buwis at value added tax. Ideneklara umano ng doktor na wala siyang kinita sa kanyang propesyon mula noong 2006 hanggang 2012.
Subalit noong 2013, nagbayad ito ng P1.9 milyong buwis sa BIR.
Base sa impormasyong nakalap ng BIR mula sa St. Luke’s College of Medicine, St. Luke’s Medical Center at Maxicare Healthycare Corporation, umabot ang kinita ni Lazatin sa P18 milyon mula 2006 hanggang 2012.
Hindi rin umano nakarehistro si Lazatin bilang VAT taxpayer dahil lumagpas ang kanyang annual income sa VAT threshold na P1.5 milyon.
Samantala, ang pinakamataas na tax deficiency assessment na aabot sa P238.7milyon ay ipinataw kay Pohang at P3.6 milyon kay Santos.
Ayon pa kay Henares, kinasuhan ang tatlong respondent ng tax evasion matapos nilang balewalain ang mga notice na ipinadala sa kanila hinggil sa kanilang milyun-milyong pisong utang sa gobyerno. - Jun Ramirez