TARLAC CITY- Masaklap na karanasan ang sinapit ng apat na bata sa Sitio Planas, Barangay Tibagan, Tarlac City na habang nakasakay sa tribike ay nadaanan nila ang sinusunog na basura at aksidenteng bumulusok ang kanilang sinasakyan na ikinamatay ng isa at pagkasugat ng tatlong iba pa noong Miyerkules ng umaga.

Ayon kay SPO1 Jaycee Calma, may hawak ng kaso, ang namatay sa pagkakasunog ay nakilalang si Judy David, 5. Sugatan naman sina Ramil Tanedo, 6; Angelo Mendoza Baun, 3; at Angel Canlas, 9, lahat ay residente ng nasabing barangay na kaagad dinala sa Tarlac Provincial Hospital.

Batay sa salaysay ni Ramon Tanedo, 65, na kaagad sumaklolo sa mga biktima, minamaneho ni Canlas ang tribike nang mapadaan sila sa sinusunog na basura sa Tarlac River Dike, Sitio Planas, Barangay Tibagan, Tarlac City. Biglang nawala sa kontrol ang minamanehong tribike at bumulusok sa nasusunog na basurahan.

Nailigtas ni Tanedo ang tatlong bata sa pagkakasunog, subalit sinawing-palad na mamatay si David nang maipit ito sa bisikleta.
National

Gabriela Rep. Arlene Brosas, tatakbong senador sa 2025