LEGAZPI CITY — Muling napili ng Philippine Travel and Operator’s Association (Philtoa) ang Albay bilang isa sa Top Summer Destinations ngayong taon. Sinadya ito ng 7.1% ng mga dayuhang turistang dumalaw sa bansa noong 2014. Ayon kay Philtoa President Cesar Cruz, bukod sa kaakit-akit na mga tanawin at masasayang karanasan, bahagi rin ng kanilang pagpili ang pamumuno at dedikasyon ng pamahalaang lokal sa pagpapasulong ng turismo.

Batay sa “world class tourism assets” ng lalawigan, pinamatnugutan ni Albay Gov. Joey Salceda ang isang malawakang programang pang-turismo na tampok ang kanilang pamanang lahi, mga makasaysayang gusali, simbahan at mga bahay, at mga katutubong pagkain. Nitong huli, isinama na rin ang “sports tourism”. Dahil dito, dumoble na naman ang bilang ng mga turistang Pinoy na dumalaw sa lalawigan sa unang tatlong buwan ngayong 2015 batay sa talaan ng Albay Parks and Wildlife, na paboritong pasyalan, at sa Cagsawa Ruins Park na nagtala ng 40% pagdami ng mga bisita.

Pasisimulan ng Albay ang Daragang Magayon Festival 2015 ngayong huling linggo ng Marso na tatagal hanggang katapusan ng Abril at tampok ang “culinary tourism”. Magtatagpo ang mga sikat na chef ng bansa at mga Albayano chefs sa isang natatanging “gastronomic showdown”. Isa si Salceda sa iilang pinarangalan ng Department of Tourism (DOT) ng 2014 Tourism Star Award bilang pagkilala sa kanilang kahusayan at galing sa pagpapasulong sa turismo ng bansa sa ilalalim ng Tourism Star Philippines (TSP) program nito.

Ayon kay Salceda, nabuksan ang magagandang pagkakataon para sa mga investors para magpatayo nga mga bagong hotel sa lalawigan upang lalong dumami ang mga ito at maging abot-kamay sa karaniwang mga turista sa Albay, kasama na ang Legazpi, Tabaco, Camalig, Guinobatan, Polangui, Sto. Domingo at Bacacay. Tinanghal na “fastest growing tourism area” sa bansa ang Albay noong 2013 kung kailan naitala ang 66% growth rate nito, higit na mataas kaysa sa pambansang paglago, kung kaya idineklara itong “tourism powerhouse” ng DOT.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente