Ang World Theater Day ay isang pandaigdigang selebrasyon tuwing Marso 27. Pinasimulan ito 53 taon na ang nakararaan noong 1962 ng International Theater Institute (ITI), ang pinakamalaking organisasyon sa daigdig para sa performing arts na itinatag noong 1948 sa unang World Congress sa Prague, Czech Republic, at suportado ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO).
Nagdiriwang ang theater communities sa daigdig ngayon. Dito sa atin, pinangungunahan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang mga aktibidad – mga pagtatanghal, may dance troupe performances, puppet shows, art exhibits at pag-awit– sa Metro Manila at iba pang rehiyon, katuwang ang Philippine Center of the International Theater Institute.
Sa pamamagitan ng network nito ng may 100 national center sa buong bansa, hinihimok ng ITI ang pagbabahagi ng karunungan at pamamaraan sa teatro, ginagamit ang obra at kooperasyon ng theater artists, pinalalawak ang kaalaman ng publiko sa artistic creation bilang malawakang pangangailangan, ginagamit ang sining bilang paraan upang itaguyod ang kapayapaan, isulong ang mga layunin ng UNESCO, at labanan ang pagkapoot sa mga lahi at diskriminasyon.
Ang teatro ay may kapangyarihang pakilusin, magdulot ng inspirasyon, magpabagong-anyo, at magturo sa mga mga paraang walang ibang anyo ng sining ang makagagawa, ayon sa UNESCO. Taun-taon, ang World Theater Day ay isang okasyon at isang forum upang bigyang-diin ang pagkakaiba-iba ng anyong ito ng sining upang itaguyod ang kahalagahan nito sa lipunan. Nakasentro ito sa iba’t ibang larangan ng teatro at kumikilala sa kapangyarihan nito na magtatag ng mga tulay para sa pag-uunawaang internasyunal at kapayapaan pati na rin ang pagtatayod at paglalan ng proteksiyon sa pagkakaiba-iba ng mga kultura at pagkakakilanlan sa mga komunidad sa buong daigdig. Binibigyang-diin nito ang teatro bilang isang komplikadong anyo ng sining na gumagamit ng malikhaing gawa ng mga manunulat ng dula, direktor, aktor, artist, at mga kompositor. Sa isang teatrong pangmusika, ang pag-arte ay kasabay ng musika, awit, at sayaw.
Ipinagdiriwang ang araw naito sa iba’t ibang theater event. Isang International Message mula sa isang kilalang indibiduwal na nakagawa ng isang mahalagang ambag sa performing arts, partikular na ang teatro, ang ipinakakalat. Ang may-akda ng unang mensahe noong 1962 ay si Jean Cocteau, na isang prominenteng Frenchy playwright at filmmaker.
Ngayong taon, ang personalidad na napili upang magbahagi ng kanyang kaalaman sa tema ng teatro na pagkakaisa, at isang kultura ng kapayapaan ay ang Polish theater director na si Krzysztof Warlikowski na nagtamo ng pagkilala dahil sa kanyang Shakespearean productions. Ang kanyang mensahe ay isinalin sa mahigit 20 lengguwahe, binasa sa audience bago ang pagtatanghal sa mga teatro, at inilathala sa maraming publikasyon sa buong mundo. Ang mensahe na nasa iba’t ibang lengguwahe at sa iba’t iba ring lugar ay binasa ng mga aktor ng buong daigdig sa isang pagsisikap na pag-isahin sila sa pagsusulong ng kahalagahan ng teatro at sayaw bilang anyo ng sining.