Peter Cayetano

Ni HANNAH L. TORREGOZA

“Balak nila akong ipaligpit.”

Ito ang inihayag ni Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano hinggil sa umano’y planong paglikida sa kanya upang matiyak ang pagpasa ng Bangsamoro Basic Law (BBL).

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Subalit tumanggi si Cayetano na ibigay ang kumpletong nilalaman ng intelligence report na galing sa administrasyon.

“Ang isa ay official report subalit hiniling nila na huwag ito isapubliko dahil iniimbestigahan pa. Ang banta ay talagang para sa akin bilang senador,” pahayag ni Cayetano.

“May isa pa na nanggaling sa unofficial sources, na nagtutukoy sa mga pulitiko,” dagdag niya.

Ang 44-anyos na mambabatas ang nanguna sa mga senador na bawiin ang kanyang suporta sa BBL matapos ang madugong operasyon sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25 kung saan 44 police commando ang napatay.

Ayon sa senador, hindi niya sana ibubulgar ang banta sa kanyang buhay at nagpasalamat din siya sa awtoridad matapos ipaalam sa kanya ang death threat sa kabila ng kanyang pagbatikos sa gobyerno hinggil sa kontrobersiyal na batas.

Naniniwala si Cayetano na ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang nasa likod ng assassination plot at sakaling ito ay magkatotoo, sinabi ng mambabatas na ibabaling ang sisi sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) tulad ng mga nakaraang insidente.

“Kapag mangyari iyon, palalabasin na naman ng MILF na BIFF  iyon, pero hindi naman BIFF iyon, na palagi nilang ginagawa. Alam n’yo ang BIFF at MILF ay BFF, best friend forever,” pabirong bitaw ng senador.

 Tiniyak ni Cayetano na mayroon nang karagdagang seguridad hindi lamang para sa kanya ngunit maging ang kanyang pamilya.

Bukod dito, ibinulgar din ni Cayetano na mayroong malawakang black propaganda na inilunsad laban sa kanya – mula Marawi City hanggang Luzon – upang palabasin na siya ay isang “anti-Muslim.”