SILANG, Cavite  - Nagbigay ng karagdagang pahayag si Pangulong Aquino hinggil sa madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao subalit hindi pa rin ito humingi ng paumanhin sa publiko tulad ng hinihiling ng iba’t ibang sektor.

Sa halip na humingi ng tawad, nagpakumbaba si PNoy sa paggiit ng pag-unawa mula sa sambayanan hinggil sa nangyaring palpak na operasyon na ikinamatay ng 44 police commando.

Sa kanyang talumpati sa graduation ng Philippine National Police Academy (PNPA) sa bayan na ito, sinabi ng Pangulo na ito na ang huling pagkakataon na siya ay magsasalita hinggil sa Mamasapano incident bukod sa mga okasyon na siya ay ipapatawag ng iba’t ibang lupon na nag-iimbestiga sa kaso upang magbigay-linaw sa isyu.

“I am aware of this: that no words will suffice to explain the deaths of our brave policemen. A report or a speech can never reflect the entirety of what is felt by a parent who lost a good child. All I can do, after saying all that must be said, and after doing all that must be done, is to ask for your deep understanding,” pahayag ni Aquino.

National

Makabayan bloc, pinuna balak ni FPRRD na maging abogado ni VP Sara: 'Desperate political maneuver!'

“Regardless of my anger for the disregard for the orders I gave, regardless of my regret for trusting people who concealed the truth from me, I can never erase the fact: 44 members of our police force are dead. And this happened under my term. Let me stress it: I will bear this basic truth with me to my grave,” dagdag ni Aquino.

Tinalakay din ng Pangulo ang resulta ng imbestigasyon ng Board of Inquiry ng Philippine National Police at Senado hinggil sa brutal na pagpatay sa 44 tauhan ng PNP Special Action Force na kanyang itinuring na kapwa sumusuporta sa kanyang posisyon sa simula pa tulad ng kakulangan sa koordinasyon ng militar at pulisya.

Nanawagan din ang Pangulo sa publiko na kilatisin ang katotohanan sa likod ng mga imbestigasyon imbes na umaasa sa mga espekulasyon na nagdudulot ng kalituhan sa mga mamamayan. - Genalyn D. Kabiling