Balak ng Department of National Defense (DND) na iurong ang kontrata para sa supply ng 21 UH-1 helicopters matapos mabigo ang contractor na maihatid sa tamang oras ang air assets na nagkakahalaga ng P1.2 bilyon.
Sinabi ni DND Sec. Voltaire Gazmin, nagpadala na ang departamento ng notice to terminate sa joint venture ng Rice Aircraft Services Inc. at Eagle Copters Ltd., dahil sa kabiguang sumunod sa schedule ng delivery ang kompanya.
Inihayag pa ni Gazmin, na kung pagbabatayan ang procurement law, ay dapat nang ideklara na partially terminated ang kontrata sa pagbili ng UH-1 helicopters dahil sa naitalang liquidated damages na aabot sa mahigit 10 porsiyento.
Ang pagkakabalam ng delivery ay itinuturing umano ng DND na isang option para itigil ang kontrata sa mga nasabing contractor.
“You failed to comply with the agreed schedule of requirement of the contract agreement which provides that the delivery should be within 180 calendar days upon the opening of the letter of credit,” ani Gazmin.
Pinasok ng DND ang kontrata noong Marso 27, 2014 at ang deadline para sa delivery ay noong Setyembre 23, 2014.
Nabigo ang contractor na i-deliver ang ilang unit ng helicopter, habang ang ilang dumating na units ay may mga depekto.