Nag-collapse si Pangulong Noynoy Aquino. Ito ang balitang umugong sa mga coffee shop at maging sa on online news. Isang journalist ang nag-interview daw kay Vice President Jejomar Binay habang tungkol sa balitang ito: “Di ko alam yun ah.” Napansin daw ng peryodista na kakaiba ang ngiti ng Pangalawang Pangulo.

Itinanggi ng Malacañang na nag-collapse ang binatang Pangulo na posible raw sanhi ng heavy smoking. Aminado ngayon ang Pangulo na nakabuti sa kanya ang pagkakaroon ng “thinning” o “short hair”. “For the first time, I was happy my hair is short because it will show if I have stitches. I tried to feel my head, there’s no bump”. Sa Tagalog kasi, mas masakit pakinggan ang salitang “kalbo” o “panot” kesa “short hair” o “thinning hair.” Accepted ang paliwanag mo Mr. President. Hindi ka nga nag-collapse.

Parang napuno na rin si PNoy sa kanyang BFF na si ex-PNP Chief Director General Alan Purisima. May kasabihan sa Tagalog na “Kapag puno na ang salop, ito ay kinakalos.” Noong Sabado ng gabi, sinabi ni PNoy na parang ipinagkanulo siya ni Purisima nang hindi nito sinunod ang kanyang utos tungkol sa Oplan Exodus na nagresulta sa pagkamatay ng 44 PNP SAF commando dahil sa kawalan ng koordinasyon at reinforcement mula sa AFP. Sa meron o walang chain of command sa PNP, naniniwala ang 79 porsiyento ng mga mamamayan na nagkamali si PNoy sa January 25 Mamasapano massacre. Ang bottomline ng isyung ito ay bakit pinayagan niyang makisangkot sa operasyon si Gen. Purisima gayong ito ay suspendido na at na-bypass si PNP OIC Deputy Dir. Leonardo Espina.

Samantala, sinabi ni DOJ Sec. Leila De Lima na hindi lumabag sa PNP chain of command si PNoy dahil sa AFP lang umiiral ang ganitong sistema. Sinabi naman ni ex-PNP Chief Panfilo Lacson na may ganitong command sa PNP. Idinagdag niyang panahon na upang mag-apologize ang Pangulo sa mamamayan, aminin ang pagkakamali at akuin ang pananagutan. Hindi niya dapat buntunan ng sisi si ex-SAF commander Director Getulio Napeñas at dikdikin ito sa publiko. Sabi nga ni FVR, “Very unpresidential.” Pinayuhan ni Lacson si PNoy na humingi ng paumanhin sapagkat maging ang mga dakilang lider ng ibang bansa, gaya nina US President John F. Kennedy, Prime Minister Winston Churchill ng England ay nagpahayag ng apology sa publiko.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3