Ipinahayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong nakaraang linggo na inaprubahan ng Regional Board nito ang P15.00 umento sa minimum wage workers sa National Capital Region. Makikinabang dito ang mahigit 12.5 porsiyento ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa Metro Manila – 587,000 empleyado. Ang natitirang 87.5 porsiyento – 4.1 milyong manggagawa – ay hindi apektado sapagkat mas mataas na ang sahod ng mga ito kaysa itinakdang rate.

Tulad ng inaasahan, tinawag ng national labor groups ang naturang umento bilang “masyadong maliit” kumpara sa halagang kailangan ng pamilya ng isang manggagawa upang mabuhay nang marangal. Hiniling ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang P136 dagdag-sahod ngunit inaprubahan lamang ng gobyerno ang P15, sinabing ito lamang ang maaaring tanggapin ng mga manggagawa.

Ang P15 ay maaari ngang maliit at naapektuhan nito ang pananaw ng publiko sa katotohanan na nitong nakaraang ma buwan, nakababasa at nakaririnig tayo tungkol sa milyun-milyon at bilyun-bilyong piso sa mga balita – P10 bilyon pork barrel funds nawala sa mga operasyon ni Janet Lim Napoles, may P269 milyong kontrata ng Comelec upang kumpunihin ang 80,000 lumang PCOS machine, P6.5 bilyon sa Disbursement Acceleration Program bilang “LGU Support Fund”, isa pang P6.5 bilyon para sa “Various Other Local Projects”.

Kamakailan din, may mga ulat na P70 bilyon ang ibibigay ng national government sa Bangsamoro Political Entity sa sandaling maitatag ito ngayong taon, na susundan ng mas marami pang bilyon sa susunod pang mga taon - P73.7 bilyon sa 2016, P82.5 bilyon sa 2017, P91.6 bilyong sa 2018, P99.4 bilyon sa 2019, at P111.4 bilyon sa 2020 – sa kabuuang P528.6 bilyon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Napakaraming bilyong piso ang naiwala sa mga scam o ipinanukala sa mga proyektong may kaduda-dudang legalidad o importansiya. Hindi nakapagtatakang maraming minimum-wage worker ang naliliitan sa P15 umento, ang kawalang-halaga nito.

Isa pang grupo ng manggagawa, ang mga public school teacher sa bansa, ang humihiling din ng umento sa sahod sa pamamagitan ng Alliance of Concerned Teachers, ngunit nagbanggit ang Malacañang ng “budget constraints” sa pagtanggi nito sa kanilang kahilingan. Kaya nagsagawa ng mga guro ng sit-down strike sa iba’t ibang lungsod at lalawigan sa loob ng maraming buwan na ngayon, ngunit wala pa ring nangyari.

Ang P15 umento ay maaaring mas makatotohanang halaga mula sa pananaw ng gobyerno at ng pribadong sektor. Ngunit hindi mahahadlangan niyon ang publiko sa pagtataka kung paano nagkakaroon ng bilyun-bilyong piso para sa napakaraming proyekto; na parang wala namang “budget constraints” pagdating sa mga layuning ito.

Walang dudang kailangan ang malalaking halaga para sa maraming programa ng gobyerno, lalo na yaong para sa paglago ng ekonomiya ng bansa, upang mapanatili nating mataas ang Gross Domestic Product, at ang investment ratings. Ngunit makatutulong din ito kung ang mga proyektong para sa karaniwang mamamayan tulad ng minimum-wage workers, overseas Filipino workers, Metro train commuters, at public school teachers, na makabahadi rin sa atensiyon ng gobyerno at sa budget nito.