Sinabi ni Las Piñas City Mayor Vergel Aguilar na 576 na out-of-school youth at mga residente ang nagtapos ng vocational/technical courses sa City Manpower Training Center ngayong Marso.

Ang Batch 128 at Batch 129 ng mga nagtapos ay dumagdag sa mahigit 25,000 graduates na nagtapos ng anim na buwang vocational/technical courses simula nang maitatag ang center noong 1995.

Sinabi ni Aguilar na ilan sa mga nagtapos ay mayroon na ngayong mga trabaho habang ang iba ay nagpapatakbo ng kanilang sariling maliliit na negosyo.

Ang manpower and skills training school ng lungsod ay isang prayoridad na programa ni Mayor Aguilar para sa mahihirap na estudyante ng lungsod na hindi kayang mag-aral sa mamahaling private schools upang magkaroon sila ng magandang trabaho makalipas lamang ang anim na buwang pagsasanay.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ang eskuwelahan ay nag-aalok ng mga libreng kurso sa Consumer Electronics Servicing, Automotive Servicing, Cookery, Electrical Installation and Maintenance, English proficiency, Food and Beverage Services, Hairdressing, Housekeeping, Industrial Electricity, Massage Therapy, Personal Computer Operations, Ref and Air-con Servicing, Shielded Metal Arc Welding and Travel Services.

Sinabi ni Aguilar na ang mga nagtapos sa center ay may oportunidad na mag-apply ng trabaho sa ibang bansa dahil sa mas malaking pangangailangan sa skilled workers.