Muling tinututukan ng Caloocan Police ang kaso ng isang traffic enforcer ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na matapos holdapin ay pinainom pa ng lason ng mga salarin sa lungsod na ito, mahigit isang buwan na ang nakararaan.

Sa pahayag ni P/Senior Supt. Bustamante Bartolome, hepe ng Caloocan Police, muli silang magsasagawa ng imbestigasyon sa kaso ni Alfredo Barrios, 45, may asawa, na hinoldap at pagkatapos ay pinainom ng “battery solution,” noong Pebrero 17, 2015 sa Brixton, Camarin, Caloocan City, bandang 7:00 ng gabi.

Naglalakad umano papauwi ang biktima nang harangin ng tatlong hindi nakilalang holdaper at pagkatapos masimot ang kanyang pera ay sapilitan siyang pinainom ng lason.

Dinala sa East Avenue Medical Center si Barrios at tumagal ito ng halos isang buwan sa nasabing pagamutan, pero binawian din ng buhay.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Ayon sa mga doctor, sakit sa puso o “acute respiratory arrest” ang ikinamatay ng biktima, pero ipa-o–autopsy pa rin ng pamilya ang bangkay niya para matiyak ang dahilan ng pagkamatay nito.

Inamin ni Bartolome na “backtracking” ang ginagawang imbestigasyon ng kanyang mga tauhan dahil matagal bago ini-report sa kanila ang insidente.

“Noon pa kasing naganap ang holdap apat na araw pa bago nag-reklamo sa amin ‘yung asawa ni Mr. Barrios,” ani Bartolome.

Maging ang misis ng biktima ay sasailalim din sa masusing imbestigasyon dahil sa paiba-ibang nitong pahayag.

Naglabas ng P100,000 reward money ang MMDA para sa pagkakakilanlan ng mga suspek at sa ikadarakip ng mga ito.