MAHIRAP makahanap ng isang tao na hindi tinatamaan ng antok tuwing sasapit ang tanghali (pagkatapos mananghalian). Narito ang ilan sa mga dahilan:
Labis na pagkain ng matatamis. Hindi lang kendi ang binubuo ng asukal, maging ang refined carbohydrates katulad ng white bread at kanin, chips at cereals ay napagkukunan din ng asukal. Ang mga ganitong uri ng asukal ay mabilis na nada-digest ng katawan.
Kulang sa ehersisyo. Ang pag-eehersisyo ay makapagbibigay sa bawat indibidwal ng sapat na enerhiya para sa mga nakatakdang gawain sa buong araw. Hindi lamang iyon, kapag regular ang ehersisyo ay gumaganda ang pagtulog, na magiging dahilan upang maging sapat ang pahinga sa gabi.
Hindi pagkain ng agahan. “Skipping breakfast can definitely contribute to low energy in the morning,” ayon kay Johannah Sakimura, blogger sa MS and Everyday Health. “It’s important to give your body good fuel to start the day after an extended period of fasting.” Kung walang laman ang tiyan sa umaga, walang ganang gumalawa ang katawan.
Matagalang pag-upo. Hindi lamang nakakasama sa kalusugan ang matagal na pag-upo (isang oras lamang ng pag-upo ay may masamang epekto na ito sa puso), kundi maging ang enerhiya mo ay madadamay.
Labis na inuming sobra sa caffeine. Ito ay ang pag-inom ng soda o kaya naman ay kape at iba pang inumin na hinahanap-hanap tuwing nakakaramdam ng pagod, ngunit ito rin ang nagiging dahilan ng pagbaba ng enerhiya matapos mo itong inumin.
Kulang sa tubig. Hindi lingid sa kaalaman ng lahat ang kahalagahan ng sapat na pag-inom ng tubig — maging ang mild dehydration ay mayroong epekto sa energy level, mood at maging sa concentration sa mga ginagawa. - Yahoo News/Health