KUNG hindi lang siguro menor de edad si Iñigo Pascual ay tiyak na hindi siya sasamahan parati ng mommy niyang si Ms. Donna Lazaro.
Sa tuwing may event ang binatilyong anak ni Piolo Pascual ay parating nasa background lang si Ms. Donna at never na lumantad bilang ina ni Iñigo.
Pero namukhaan namin siya kaya kami na mismo ang lumapit nang makita namin siya sa announcement ng And I Love You So serye nina Iñigo, Miles Ocampo at Julia Barretto.
Nakakatuwa nga, Bossing DMB kasi sobrang iwas na iwas sa amin si Ms. Donna, talagang pinilit lang namin siya para makatsikahan na panay ang tingin sa recorder na nakatapat sa kanya.
Thirty eight years old na si Mommy Donna at simula raw nang maghiwalay sila ni Piolo ay sinadya niyang hindi na siya mag-asawa o magkaroon ng boyfriend dahil itinuon na niya ang buong panahon niya sa anak.
“May mga nanligaw naman po, ‘kaso choice ko rin po na maging mag-isa, saka na-enjoy ko kasi ‘yung pagiging mommy, pag-aasikaso kay Inigo,” natawang sabi ni Mommy Donna.
Biniro nga namin baka naman na-trauma siya sa paghihiwalay nila ni Piolo, “ay hindi naman po,” mabilis na sagot niya.
Or baka naman hoping pa rin si Mommy Donna kay Piolo.
“Ay, hindi po, wala po, friends lang kami talaga,” mabilis uling sagot sa amin.
Talagang wala na siyang love na nararamdaman kay Papa P, sundot namin.
“Ay, wala na po, friends na talaga,” natawang sagot niya.
At kapag nali-link daw si Piolo sa ibang babae ay okay lang kay Mommy Donna.
“Never ko naman pong pinakialaman ‘yun,” sabi ulit.
Pero siyempre may konting hurt kapag may ibang babae, “Sa akin po wala, siguro para sa anak ko,” pag-amin ng ina ng batang aktor.
Hindi ba siya tinutukso ni Iñigo na magbalikan na sila ni Piolo, tutal pareho naman silang single, “Ay, wala naman po,” natawa uling sagot.
Diretsong tanong namin kay mommy Donna, bakit ba sila nagkahiwalay ni Piolo noon.
“Bata pa po kasi kami noon, nu’ng naging kami, 17 going 18 years old po, barkada po kami, priority niya kasi that time ang pag-aartista niya.
“Saka mga bata po kami, ‘yung mga desisyon namin (hindi stable), ‘tapos ako, priority ko rin para sa anak ko,” pagtatapat ng ex-girlfriend ni Papa P.
Isa pang diretsong tanong namin kay mommy Donna, paano niya ipinapaliwanag kay Iñigo ang matitinding isyu o tsismis kay Piolo?
“Ano po, eversince naman sinasabi ko kay Iñigo kung ano ang work ng papa niya, pero hindi ko sinasabi kung gaano siya (Piolo) ka-famous, basta pinalaki ko siya na ‘yung daddy niya kapag kasama niya, daddy lang niya, hindi artista.
“So ‘yung relationship nila, more on as father and son, ‘yung work ng dad, nakahiwalay, pero in-explain ko kung anong klase ang work ng dad niya,” pahayag ng mommy ni Iñigo.
Tahimik nga raw ang buhay ng mag-inang Donna at Iñigo sa Amerika simula nu’ng dumating sila noong 2006 dahil simple lang naman at masaya sila kasama ang magulang ng una, pero nang magkaisip daw ang binatilyo ay nasabi na nitong gusto niyang mag-showbiz.
Si Iñigo raw ang nagpursigeng umuwi ng Pilipinas, “Opo, gusto niya talagang mag-join ng showbiz. At first talaga, pinigilan ko kasi nag-aaral, pero nag-promise naman siya na tatapusin niya kaya pumayag na rin ako,”malumanay na sabi ni mommy Donna.
Sikat na si Iñigo, ano ang pakiramdam ng mommy niya kapag marami nang humihiyaw sa mall shows at sa lahat ng pinupuntahan nilang lugar?
“Kasi sa daddy (Piolo) niya, nakikita ko na ‘yun, so parang okay lang naman. Pero ngayon, iba pala kasi ‘pag anak mo na, naano ako, nasu-surprise ako sa mga tao na gusto rin pala siya sa mga ginagawa niya,” pahayag ng proud mom.
Sa showbiz ay hindi maiiwasang maintriga si Iñigo, nakahanda na ba si Mommy Donna, “kasama naman po ‘yun. Basta sabi ko, gawin lang niya ‘yung best niya sa lahat ng ginagawa niya, laging magpi-pray, mag ask siya ng guidance sa lahat ng gagawin niya,” nakangiting sabi ng ina ng bagets.
Marami pa kaming gustong itanong kay mommy Donna, pero napansin naming asiwa na siya at parang napapaso na sa kinauupuan niya kaya nagpasalamat na kami.
Sa totoo lang, napaka-low profile ni mommy Donna kaya hindi kami nagtataka kung bakit ganito rin si Iñigo, magalang at maayos kausap ang nanay niya.