Tiyak na maitutuwid na ang direksiyon ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) matapos na isagawa ang ikalawang eleksiyon na hiniling ng Philippine Olympic Committee (POC) upang makamit na ang mailap na rekognisyon bilang miyembro ng pribadong organisasyon sa sports sa bansa.
Tulad ng inaasahan, muling nahalal ang dating Philippine Sports Commission (PSC) chairman na si Philip Ella Juico bilang pangulo ng PATAFA sa eleksiyon na dinaluhan mismo ni POC membership committee chairman at 1st Vice-president Jose Romasanta sa Orchid Garden Suites sa Maynila.
“We are putting our best foot forward now with our harmony with the POC and hope for the best of our athletes,” pahayag ni Juico.
Agad na magtutungo si Juico, kasama ang lahat ng mga nahalal na opisyal ng PATAFA, upang iprisinta naman sa POC General Assembly ang kanilang apela para makamit at mabawi ang rekognisyon mula sa 52 miyembro ng national sports association sa pamumuno ni POC president Jose “Peping” Cojuangco.
Makakasama ni Juico si Al Fernandez bilang chairman habang si Nicanor Sering ang vice president. Tatayong treasurer si Lucy Artiaga habang secretary si Maricor Pacheco at auditor si Ma. Jeanette Obiena.
Nahalal bilang directors sina dating PATAFA president Go Teng Kok, Benjamin Espiritu, Agapito Capistrano, Felix Tiuquinhoy, Dato Yusuh Naresh, Cai Yong Boh, Chua Pio, Chan Chen Yong at Rufus Rodriguez.
Itinalaga naman si Renato Unso bilang secretary general, Atty. Aldrin Cabiles bilang legal counsel, Terry Capistrano bilang Vice-president sa South at Edward Kho bilang marketing chief.
Ipinadala naman ng POC ang first VP nito na si Romasanta bilang official observer. Ang presensiya ni Romasanta sa eleksiyon ay nagpapatunay sa muling pagbabalik sa relasyon ng POC at tinagurian noon na persona non grata na si dating PATAFA head GTK.
Matatandaan na pinalitan ni Juico sa PATAFA ang kotrobersiyal na si Go Teng Kok na pinamunuan ang asosasyon sa loob ng 24 na taon. Dinaluhan din ang eleksiyon ng mga representante na mula sa Securities and Exchange Commission (SEC) at Asian Athletic Association (AAA) secretary general Maurice Nicholas.
Naisumite na rin ng PATAFA ang bago nilang constitution and by-laws at ang bagong listahan ng mga stakeholders at maging ang rehistrasyon nito sa SEC.
Kinailangan din na palitan ang dating pangalan na Philippine Amateur Track and Field Association tungo sa bagong Philippine Athletics Track and Field Association base sa bagong constitution.
“Now we can move on with our plans and programs like preparing for the Southeast Asian Games this year and the Asian Games in 2018. We are also set to do some house-cleaning to put PATAFA back in good standing,” sinabi pa ni Juico, kandidato rin bilang bise-presidente sa internasyonal na pederasyon na IAAF.