Oobligahin na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mahigit sa pitong milyong sasakyan sa Pilipinas na gumamit ng Euro 4 fuel simula Hulyo 1 upang mabawasan ang lumalalang polusyon sa bansa.

Base sa DENR Administrative Order (AO) 2015-14 na inilabas ni Environment Secretary Ramon Paje, ipatutupad ng gobyerno ang mahigpit na panuntunan laban sa mga toxic chemical na ibinubuga ng mga sasakyan tulad ng carbon dioxide, hydro carbon, nitrogen oxide at particulate matter.

Bilang pagtugon sa bagong emission standard, sinabi ni Paje na gagamit na ang mga sasakyan sa bansa ng Euro 4 fuel imbes na ang kasalukuyang Euro 2.

“We have been using Euro 2 level, which is still a 1995 level based on the European Union standards. But the country has complied with Euro 2 emission limits only in 2005. We need to use a cleaner fuel, which is the Euro 4 because there is already a huge disparity from the Euro 2 level,” pahayag ni Paje sa punong balitaan.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Sa ilalim ng Euro 4 fuel, ang nilalamang sulfur ng diesel at gasolina ay 50 parts per million (PPM) imbes na 500ppm para sa Euro 2 standard, bilang patunay na ang una ay mas malinis dahil may mas kaunting nakalalasong usok.

“Low sulfur fuels will lead to reduced emissions of particulate matter. This particulate matter, along with other pollutants, can penetrate deeply into sensitive parts of the lungs and can worsen existing respiratory and heart diseases,” dagdag niya.

Samantala, ang nilalaman na benzene ng Euro 4 fuel ay isang porsiyento lamang kumpara sa limang porsiyento sa Euro 2. Habang ang taglay na aromatic ng Euro 4 fuel ay nasa 35 porsiyento lamang kumpara sa walang limitasyon sa Euro 2. - Ellalyn B. De Vera