Ni AARON RECUENCO

Pinabulaanan ng sinibak na hepe ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) na si Director Getulio Napeñas ang ilang nilalaman ng Mamasapano report na isinumite ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Senado.

Ayon kay Napeñas, naghuhugas-kamay ang MILF nang banggitin sa Mamasapano report na walang pagkakasala ang mga tauhan nito sa brutal na pagpatay sa 44 na tauhan ng PNP-SAF noong Enero 25.

Sa panayam ng ABS-CBN News Channel, sinabi ni Napeñas na hindi kapani-paniwala ang ilang nilalaman ng MILF report, lalo na nang sabihin ng rebeldeng grupo na hindi nila batid na nasa teritoryo nila ang Malaysian terrorist na si Zulkifli Bin Hir, alyas “Marwan,” at ang kasabwat nitong Pinoy na si Basit Usman, nang maganap ang bakbakan.

National

Sultan Kudarat, niyanig ng magnitude 5.0 na lindol

“The MILF is trying to cover up what they have done. Simple, saying they not know Marwan and Usman were in their territory is totally absurd and unbelievable,” pahayag ni Napeñas.

Sa ulat na isinumite sa Senado, sinabi ng MILF na wala itong kontrol sa kinatatayuan ng mga kubo na pinagkukutaan ni Marwan at Usman na halos tatlong kilometro lamang ang layo sa ideneklarang teritoryo ng grupo.

Binanggit din ng MILF sa ulat nito na humihiling na papanagutin ang dalawang base commander ng grupo dahil sa kabiguan na matunugan ang pinagkukutaan ng dalawang terorista sa Mamasapano.

Sa mga nakaraang pagdinig sa Mataas na Kapulungan, umulan ng alegasyon na kinakanlong ng 105th Base Command ng MILF sina Marwan at Usman nang lusubin ng PNP-SAF ang pinagkukutaan ng dalawa sa Mamasapano.

Ang naturang impormasyon ay ipinagtibay ni Napeñas nang sabihin nito na may intelligence report na si Marwan ay nagtatago sa loob ng teritoryo ng 105th Base Command ng sesesyunistang grupo.

“They said that they are not aware that Marwan is in their territory, but during the (botched) April 2014 operation, Marwan was spotted right in the middle of the 105th Base Command,” pahayag ni Napeñas sa hiwalay na panayam ng radyo dzMM.

“We know that they support Marwan and Marwan was also helping them. So when the MILF said that tyey do not know that Marwan was there, that’s very impossible,” dagdag niya.