Isang kundisyon ang inilatag ng internasyonal na asosasyon na Federation International de Volleyball (FIVB) para tuluyang kilalanin bilang bagong organisasyon sa bansa ang Larong Volleyball ng Pilipinas, Incorporated (LVPI).

Ito ang nalantad kahapon sa naganap na Philippine Olympic Committee (POC) General Sssembly kung saan ay nagkaroon ng bahagyang kaguluhan matapos na dumating ang liderato ng Philippine Volleyball Federation (PVF) kasama ang mga miyembro ng binuong koponan na Amihan at Bagwis.

“The FIVB hereby recognizes the Larong Volleyball ng Pilipinas under the leadership of its president, Mr. Jose A. Romasanta, as the legitimate authority to govern volleyball in the Philippines, provided that the debt of USD 80,000 is paid to the FIVB on or before April 30, 2015,” nakasaad sa sulat na ipinadala ng FIVB noong Marso 24, 2015.

Nakatakda sanang igawad ng POC sa isinagawang General Assembly ang pagkilala sa LVPI bilang bagong national sports association (NSA) sa volleyball gayundin sa Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) bago ang pagdating ng PVF na kasalukuyang pinamumunuan ni Edgardo “Boy” Cantada.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Pinilit ng PVF na maipahayag ang kanilang karapatan sa nasabing asembliya subalit agad silang pinigilan at hindi binigyan ng pagkakataon dahil na rin sa hindi imbitado at hindi na rin umano sila kabilang sa organisasyon.

Napag-alaman din sa isang opisyal na humiling ng Temporary Restraining Order (TRO) ang PVF upang mapigilan ang POC na kilalanin bilang bagong asosasyon at bigyan ng rekognisyon ang LVPI.

Posible umanong mapigilan ng TRO ang lahat ng aktibidad ng LVPI sa bansa, kabilang na ang pagbuo ng koponan para sa lalahukang 28th Southeast Asian Games (SEAG).

Hindi naman umano masasakop ng TRO ang nakatakdang unang edisyon ng Asian Volleyball Confederation (AVC) Asian Women’s Under 23 dahil hindi ito isang aktibidad na nasa ilalim ng POC kundi nasa pamamahala at may sanction ng internasyonal na asoasyon na FIVB.