ZAMBOANGA CITY – Sinimulan na ng Land Transportation Office (LTO) sa Zamboanga peninsula ang pagpapatupad ng “Oplan Ligtas Biyahe, Semana Santa” upang tiyakin ang ligtas na pagbibiyahe ng mga pasahero sa buong panahon ng Kuwaresma.
Sinabi ni LTO-Region 9 Director Atty. Aminola Abaton na simula nitong Martes ay isinailalim na sa alert status ang lahat ng operatiba ng LTO sa rehiyon upang tiyaking hindi overloaded sa pasahero at kargamento ang mga pribado at pampublikong sasakyan.
Aniya, magtutulungan ang lahat ng ahensiyang nasa ilalim ng Department of Transportation and Communications (DoTC) para sa pagpapatupad ng Oplan Ligtas Biyahe, Semana Santa.
Sinabi pa ni Abaton na magbubukas ang LTO ng mga commuter assistance desk o help desk sa lahat ng pangunahing bus terminal sa lahat ng bayan at siyudad sa Zamboanga peninsula para sa mga bibiyahe sa Marso 30-Abril 5.
Istrikto rin ang monitoring ng Zamboanga City-Philippine Coast Guard (PCG) sa mga ferry boat, partikular ang bibiyahe sa Semana Santa. - Nonoy E. Lacson