Dalawang flag raising ceremony ang idinaos sa Makati City Hall noong Lunes. Pinangunahan ni Mayor Jejomar Erwin “Jun-Jun” binay ang may 2,000 kawani at iba pang tagasuporta na nakasuot ng itim sa isang flag raising ceremony sa quadrangle sa harap ng bagong Makati City Hall building. Di kalayunan naman, si Vice Mayor Romulo Peña Jr., na nanumpa bilang acting mayor matapos suspindehin ng Ombudsman si Binay, kasama ang ng may 300 tagasuporta na nakasuot ng puti, ang nanguna sa hiwalay na flag raising ceremony sa lumang City Hall building.

Ang dalawang tagpo, na may buong kaangkupan, ay naglalarawan ng isang kasabihan na sa buhay, ang mga isyu ay maaring itim o puti, at may ilan ding kulay abo.

Sa kaso ng Makati, hindi ba maaaring mamagitan ang mas mataas na kapangyarihan upang mapagsama ang dalawang panig na ito at magdulot ng isang solusyon na tatapos sa di pagkakasunduan?

Sa isang bahagi ng tunggalian, sinasabi ng kampo ni Mayor Binay na sa harap ng pag-iisyu ng Ombudsman ng isang suspension order, ito ay epektibong nahadlangan ng isang Temporary Restraining Order (TRO) na inisyu ng Court of Appeals . Sa kabilang banda, sinasabi ng kampo ni Peña na masyadong huli; nakapanumpa na siya sa tungkulin.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Binanggit ni Peña ang isang legal opinion ni Secretary Leila De Lima ng Department of Justice na ang TRO ay walang bisa, ang suspension order ay naipaskil na at nakapanumpa na sa tungkulin ang acting mayor. Kalaunan, sinabi ni De Lima na ang kanyang “legal opinion” ay isa lamang “advisory”.

Nagsampa si Mayor Binay ng contempt sa Court of Appeals laban kay Ombudsman Conchita Carpio Morales, Secretary Mar Roxas ng Department of Interior and Local Government, at iba pang respondent na sumusuporta kay Peña. Ito ang legal process na kumikilos.

Kasabay nito, hinimok ni Sen. Chiz Escudero sina Mayor Binay at Secretary Roxas na resolbahin ang problemang ito. Pinagsabihan niya ang dalawang kampo sa dahil kapwa ito ayaw magbigay-daan. “They allowed their personal rivalry to affect a small disagreement” na, aniya, maaari nilang resolbahin upang hindi ito makagambala sa paglalaan ng mga serbisyo ng pamahalaang panlungsod sa taumbayan.

Labing-isang araw na ngayon mula nang simulan ng dalawang opisyal na ito ang pagpapahayag na sila ang mayor ng Makati City, nag-oopisina sa hiwalay na mga gusali. Natural na apektado ang mga serbisyo. Nababahala ang mga kawani ng lungsod na baka hindi sila makasuweldo. At ang buong sambayanan – at ang buong daigdig – ay nagtataka kung paano pinahihintulutan ang ganitong situwasyon sa isang lungsod na nagmamalaki bilang financial capital ng Pilipinas.