CAMP GENERAL SIMEON OLA, Legazpi City – Isang retiradong technical sergeant ng Philippine Army ang binaril at napatay ng kapatid matapos magkapikunan habang nag-iinuman sa Barangay Cambulaga, Sorsogon City noong Martes ng hapon.

Kinilala ni Senior Insp. Malu Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol Regional Police Office, ang biktima na si Wilmor Jamoso Aninipot, 40.

Agad na inaresto ng pulisya ang nakatatandang kapatid ng biktima na si Ronilo Jamoso Aninipot, 44. Ang dalawa ay kapwa residente ng Purok 7, Barangay Cambulaga.

National

Pag-aresto kina Guo, isang hakbang para masiguro kaligtasan ng PH -- Gatchalian

Ayon kay Calubaquib, nag-iinuman ang magkapatid nang bigla na lamang pag-iisultuhin ni Ronilo ang kanyang sundalong kapatid sa kanilang bahay dakong 4:40 noong Martes ng hapon.

Dahil sa maaanghang na salita ni Ronilo, dumampot ng bato si Wilmor.

Subalit habang nasaaktong ipupukol ni Wilmor ang bato sa kanyang kapatid, mabilis na nabunot ng huli ang kanyang baril at walang alinlangang ipinutok sa biktima.

Nagtamo ng isang tama ng bala si Wilmor sa dibdib na agad na ikinamatay nito, ayon sa pulisya. - Niño Luces