Former President and now manila mayor Erap Estrada smile in front of media after the supreme court affirmed a dececion that he is qualified to run for mayor.  (Photo by Linus Escandor)

Ni JENNY F. MANONGDO

Pinayuhan ni dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada si Pangulong Aquino na tigilan na ang sisihan at akuin ang responsibilidad sa madugong sagupaan sa Mamasapano, Maguindanao upang manumbalik ang tiwala sa kanya ng sambayanan.

Sa isang media forum sa Luneta Hotel, tumanggi si Estrada na hikayatin si Aquino na humingi ng paumanhin sa publiko bunsod ng palpak na operasyon subalit iginiit ng punongbayan na dapat akuin ng Punong Ehekutibo ang responsibilidad sa pagkamatay ng 44 police commando.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Ang pahayag ng alkalde ng Maynila ay kasunod ng paglagda ng 20 senador sa Mamasapano report kung saan si Aquino ang itinuturong responsible sa palpak na operasyon sa Mamasapano noong Enero 25.

“Napakasimple nito. Hindi ka dapat magturo ng iyong daliri sa iyong mga tauhan dahil hindi naman sila kikilos kung hindi mo sila sinasabihan,” pahayag ni Estrada.

Bukod sa MILF, itinuturo ring responsable ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa pagkamatay ng mga tauhan ng PNP-SAF sa Mamasapano.

Sinariwa ni Estrada na noong siya ay pangulo pa ng bansa, ipinagutos niya ang paglulunsad ng all-out war laban sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Bilang commander-in-chief noong panahon na iyon, ipinagmalaki ni Estrada na nabura sa mapa ang 43 kampo ng MILF, kabilang ang Camp Abubakar sa Basilan kung saan matatagpuan ang punong himpilan at training camp ng MILF.

Ayon kay Erap, karga niya ang responsibilidad sa pag-utos ng opensiba laban sa sesesyunistang grupo sa kabila ng isinusulong na usapang pangkapayapaan ng ilang grupo.

“’Yan lang ang tanging solusyon matapos mo’ng ipatupad lahat. Mahigit nang 45 taon. Maghihintay na naman ba tayo ng 30 taon?” tanong ni Erap.

Tungkol sa paghingi ng umanhin ni PNoy sa publiko, iginiit ni Erap na may sariling pagiisip ang Pangulo at hinahayaan niya ang mga adviser nito na resolbahin ang naturang isyu.