Maghaharap ang mga tinanghal na kampeon sa beach volleyball sa bansa sa paghataw ng 18th Nestea Intercollegiate Beach Volleyball competition sa Mayo 1-2 sa Boracay.
Ito ay dahil sa bagong format ng taunang torneo kung saan ay inalis ang regional elimination at pagtapatin na lamang ang mga naging kampeon sa isinasagawang torneo sa mga unibersidad at kolehiyo sa bansa.
“All the champions and the top collegiate teams from all over the Philippines will be taking part so this will be a battle of the best of the best,” pahayag ni Nestea Beach Volley technical director Rustico Camangian.
Gayunman, inaasahan na magiging mahigpit ang labanan sa women’s division kung saan ay idedepensa ng La Salle ang korona. Isa lamang sa koponan ang magbabalik at ito ay si Kim Fajardo matapos na ang kapares nito na si Ara Galang ay hindi makapaglalaro dahil sa tinamong injury.
Matatandaan na nagtamo si Galang ng iba’t ibang injury habang nasa stepladder semifinals ng katatapos na UAAP at hindi makapaglalaro sa loob ng anim na buwan kung kaya maiiwan kay Fajardo ang responsibilidad upang ipagtanggol ang hamon ng pinakamahuhusay na collegiate team sa torneo sa dinarayong Boracay.
Posibleng humalili kay Galang si Cyd Demecillo upang makatambal ni Fajardo.
“La Salle has tentatively named Cyd Demecillo as her partner. But the lineup will only be finalized by next week,” giit pa ni Camangian.
Makakasagupa ng Lady Spikers ang tinanghal na kampeon sa UAAP na University of Santo Tomas (UST), NCAA titlist San Sebastian, Perpetual sa NCAA South, University of Negros-Recoletos sa NOPSSCEA, Southwestern U ng CESAFI, University of Mindanao-Tagum sa Governor’s Cup, Mindanao State U-Tawi-tawi sa Tawi-Tawi Open, Unigames holder University of Mindanao-Davao, University of Baguio at nakaraang taong Nestea runner-up na Adamson U.
Asam naman ng University of Southern Philippines Foundation (SPF) ang ikalawang sunod na korona sa pagsagupa sa kampeon sa UAAP na National U, St. Benilde sa NCAA, Lyceum-Batangas sa NCAA-South, Colegio de San Agustin sa NOPSSCCEA, Southwestern U sa CESAFI, Governor’s Cup champion University of Mindanao-Davao at Mindanao State U-Tawi-tawi, Holy Cross of Davao sa UniGames, University of Baguio, at ang 2014 second-placer University of Mindanao-Tagum.