NASA Hong Kong ngayon si Ronnie Liang para sa 39th Hongkong Film Festival. Ipapalabas doon ang unang pelikula niyang Estorika Maynila na idinirek ni Elwood Perez.

Ronnie Liang

Masayang ibinalita ni Ronnie sa amin kahapon, sa pamamagitan ng PM sa Facebook, na inimbita siya sa nasabing okasyon at marami siyang nakilalang producers. Balita pa niya, hindi lang siya nag-iisang Pilipino na naimbitahan dahil may mga nakita rin siyang kababayang filmmakers.

Ibinalita rin ni Ronnie na kasama siya sa musical play na Bituing Walang Ningning na ipapalabas sa Resorts World sa Hunyo.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“First time ko po magtatanghal sa musical play, iba at bagong mundo po ito sa akin. Ito daw po ay pinaghalong kanta at pag-arte nang live sa stage at kailangan ng mas malalaking galaw at mas malakas na boses sa pag-arte o pagsasalita dahil ganu’n daw sa stage play para marinig at maintindihan ka ng mga tagapanood mo.

“Nagpapasalamat po ako sa manager ko, kina Boss Vic, (del Rosario), Boss Vincent (del Rosario) at Ma’am Veronique (del Rosario-Corpus) sa pagbibigay ng project sa akin, sa suporta nila sa career ko at pagtitiwala nila sa aking kakayahan.”

Magkasama rin sila ulit ni Sarah Geronimo sa Abril 24 sa Perfect 10 show na gaganapin sa Mindoro.

Samantala, itinanong namin kay Ronnie kung ano na ang nangyari sa wallet na nadukot sa kanya ng mga batang hamog sa McDonald’s sa tabi ng ABS-CBN.

“Hindi ko na po nabawi, iniisip ko na lang na sana matindi ang pangangailangan nila at sana nakatulong ng malaki sa kanila ‘yun (pera). Si Lord na rin ang bahala, napalitan naman kaagad, may show ako na musical at guest ako sa concert ni Sarah ulit,” say ni Ronnie.

Mabuti na lang daw at nai-report niya kaagad sa bangko ang lahat ng ATM at credit cards niya kaya hindi naman nagalaw, pati padlock ng condo unit niya ay nagpalit na rin siya dahil kasamang nawala ang susi nito. –Reggee Bonoan