Ipinasara ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang isang recruitment agency sa tangkang paggamit nito ng ilegal na visa para sa kasambahay na magtatrabaho sa Dubai.

Sa isang kalatas, sinabi ni POEA Administrator Hans Cacdac na binawi nila ang license to operate ng Chanceteam International Services, Inc. matapos hindi makasakay ang dalawang Pinoy na kasambahay sa kanilang flight patungong Dubai nang madiskubre ng Bureau of Immigration (BI) na may hawak silang tig-dalawang visa.

Nakasaad sa isang visa na ang dalawang Pinoy ay magtatrabaho bilang cashier at hairdresser na tumutugma sa kanilang dalawang taon na kontrata habang ang ikalawang visa ay nagsasabing sila ay kinontrata bilang kasambahay at babysitter.

Ani Cacdac, sapat nang ebidensiya ang dalawang bisa na nilabag ng Chanceteam ang regulasyon ng POEA. 

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

“This is a clear case of reprocessing that constitutes misrepresentation to circumvent the POEA rules on recruitment and placement of household service workers,” pahayag ni Cacdac.

Tiniyak ng opisyal na pananagutin din ang recruitment agency sa visa tampering nang matuklasan na magkapareho ang permit number ng dalawang set ng visa.

Base sa regulasyon ng POEA, kinakasela ang lisensiya ng recruitment agency kapag nagkaroon ito ng tatlong misrepresentation offense.

Bukod sa kanselasyon ng lisensiya, sinabi ni Cacdac na blacklisted na rin ang Chanceteam tulad ng ibang recruitment agency na lumabag sa patakaran ng ahensiya.

“As a consequence, the officers and directors of the agency at the time of the commission of the offenses were disqualified from the business of recruitment and placement of overseas Filipino workers,” giit ni Cacdac. - Samuel Medenilla