May dalawang alkalde ngayon ang Makati, sina Jun-Jun Binay at Kid Peña. Noong nakaraang halalan, si Binay ang nahalal na alkalde at si Peña naman, bise-alkalde. Si Peña ay nasa oposisyon at siya lamang ang nagwagi sa buong ticket nila. Mahirap sabihin naman na walang suporta si Peña sa mamamayan ng Makati sa nangyayari ngayon. Ayon na nga’t sa kabila ng mahabang panahon na nangibabaw ang mga Binay sa pulitika sa Makati eh hindi nila nagawang igupo si Peña bilang kanilang kalaban. Ang nagbunga ng dalawang alkalde ay ang kapasiyahan ng Ombudsman na nagsususpinde kay Binay habang dinidinig ang kanyang kaso. Dahil ayaw niyang kilalanin ito, nagtungo siya sa Court of Appeals na nag-isyu ng temporary restraining order (TRO) na nag-aatas sa Ombudsman at iba pa na panatilihin ang sitwasyon nang ito ay mailabas.
Kung ano ang sitwasyong ito na dapat igalang ay siyang isyu. Kay Binay, ang sitwasyong dapat sundin muna ay nang siya ay nakaupong alkalde. Sa panig naman ni Peña, nang siya ay manumpa bilang pansamantalang alkalde. Kaya nga sinasabi nina Ombudsman Morales at DOJ Secretary Di Lima na moot and academic na ang TRO. Naganap na ang panunumpa sa tungkulin at pagganap nito ni Peña bago mailabas ng Court of Appeals ang TRO. Kaya wala nang bisa ang TRO ay dahil nangyari na ang aksyong pinahihinto nito na huwag munang gambalain ang pagiging alkalde ni Binay. Nakaupo na bilang pansamantalang alkalde si Peña.
Ang nagtutunggaliang kampo ay parehong nawawagan na igalang ang Rule of Law. Ang problema sa dalawa, ay ano ang Rule of Law? Ang TRO ng Court of Appeals na dapat sundin, ayon kay Binay. Ayon naman kay Peña, ang Order ng Ombudsman na inilalagay sa preventive suspension si Binay. Naniniwala akong wasto ang posisyon nina Ombudsman Morales at Sec. De Lima. May desisyon na ang Korte Suprema na ang naganap na ay hindi na puwedeng pigilin. Nangyari na ang pag-upo ni Peña bilang pansamantalang alkalde bago lumabas ang TRO, kaya napairal na ang kautusan ng Ombudsman. Hindi na ito puwedeng pigilin pa. Isa pa, ang preventive suspension ay hindi parusa. Inilalabas ito kung malakas ang posibilidad na ang ebidensya ay maitatago, masisira o masusupil ng nahahabla, na siyang nakita ng Ombudsman na magagawa ni Binay kapag hindi siya sinuspinde. Kaya ang preventive suspension ay bahagi ng imbestigasyon na ayon din sa desisyon ng Korte Suprema ay hindi pwedeng pigilin.