“The chain of command is simply the line of authority, responsibility, and communication in any organization. It defines and establishes the superior-subordinate relationship and is always depicted graphically in an organizational chart.” Sa mga salitang ito, ibinahagi ni dating Senator Panfilo Lacson noong isang araw ang kanyang kaalaman upang makapagdulot ng linaw sa mga isyu ng Mamasapano incident.

Ang kuwestiyon sa chain of command ay isa sa mga isyung ito. Sa tila pagtatanggol sa Pangulo at dating Philippine National Police (PNP) chief Director General Alan Purisima, nakabuo ng pahayag si Secretary of Justice Leila De Lima, sinabing walang “chain of command” sa isang civilian organization tulad ng PNP.

Ang paglilinaw ni dating Senator Lacson ay sapat na upang pahintuin si Secretary De Lima sa pamimilit sa kanyang pahayag. Mayroon ding Article VII, Section 18 sa Konstitusyon: “The President shall be the commander-in-chief of all armed forces of the Philippines...” Ang PNP ay tiyak na isa sa armed forces ng bansa at walang dudang commander-in-chief nito ang Pangulo.

Dagdag pa rito, ang pahayag ni dating Pangulong Fidel V. Ramos na noong 1995, naglabas siya ng Executive Order 226 na nagtatatag ng “command responsibility” sa lahat ng tanggapan ng gobyerno, kabilang ang PNP.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Ang isyu ng chain of command ay lumutang dahil waring umaasa si Pangulong Aquino sa suspendidong PNP Director Purisima sa mga huling hakbang ng Mamasapano operation, sa halip na sa PNP officer-in-charge, Deputy Director General Leonardo Espina. Sa kanyang depensa, sinabi ng Pangulo noong isang araw na batid niya na sinuspinde ng Ombudsman si Purisima kaya sinabi niya kay Purisima na makipag-ugnayan kay Espina. Aniya, hindi tumugon sa kanya si Purisma.

Dito, ayon kay Secretary De Lima, marahil nagkamali ang Pangulo. Nagtiwala siya sa maling tao. Hindi iyon isang criminal offense, giit niya. Iyon ay parang isang error of judgment. Inamin mismo ng Pangulo: “If ever I was at fault here, it was because I trusted these people.”

Ang Mamasapano ay isang trahedya na nangyari dahil sa dami ng kapabayaan sa bahagi ng maraming tauhan. Mainam na inamin ng Pangulo na maaari ngang siya ang may pagkakamali, matapos ang maraming linggo ng pagsisisihan ng mga taong kanyang nasasakupan. Ito ay isang malaking hakbang patungo sa paglilinaw ng Mamasapano tragedy. Matapos ang sunud-sunod ns magkakahiwalay na imbestigasyon ng Senado, ng PNP Board of Inquiry, at ng Kamara, mareresolba natin ang maraming isyu – kung hindi lahat – sa minalas na insidenteng ito.