Ano ‘ka mo? Isang heritage structure ang gigibain para sa isang road-widening project?
Mismong ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ay hindi makapaniwala sa mga ulat na ang kagawaran ang nasa likod ng planong gibain ang isang istruktura sa Maharlika Highway sa Sariaya, Quezon para sa pagpapalawak ng kalsada.
“Uulitin ko po: Hindi naming sisirain ang isang heritage structure sa Sariaya. Iiwasan naming mangyari ‘yan,” sinabi nitong Lunes ni DPWH Secretary Rogelio Singson.
Ito ang tiniyak ng kalihim sa harap ng dumaraming reklamo mula sa mga concerned group na babaklasin ng DPWH ang isang bahagi ng Governor Natalio Enriquez Mansion, partikular ang bakod nito, para bigyang-daan ang isang proyekto ng kagawaran.
Nababahala ang Sariaya Heritage Council sa umano’y planong pagsira sa tinatawag na “bahay na bato” dahil sa kahalagahan nito sa kasaysayan, sining at kultura. Itinayo noong 1931 at idinisenyo ni Andres Luna De San Pedro, idineklara ng National Historial Institute na heritage house ang mansiyon noong 2008.
Ayon kay Danny Galera De Luna, pangulo ng Sariaya Heritage Council, dahil sa road-widening project ng DPWH ay kakailanganing gibain ang bakod ng mansiyon, na “obstructs the two-meter area that needs to be paved.”
Sinasabing maaapektuhan ng proyekto ang may isang kilometro ng Daang Maharlika na tumatagos sa Barangay Poblacion na kinatitirikan din ng Saint Francis of Assisi Parish Church, na itinayo noong 1599.
Bagamat kinumpirma ni Singson na may gagawing bypass road sa Sariaya, nilinaw niyang walang plano ang kagawaran na sirain ang alinmang heritage structure sa lugar.