IMUS, Cavite – Patay ang isang pinaghihinalaang miyembro ng ”Akyat-bahay” gang nang pagbabarilin ng isang 72-anyos na lalaki matapos looban ang bahay nito sa Barangay Medicion II-D, sa siyudad na ito.

Idineklarang dead-on-the-spot ang suspek na si John Carlo Papa, alias ”Cebu,” sa tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon sa imbestigasyon, si Papa ay pinagbabaril ni Ambrosio Bautista, 72, gamit ang kanyang 9mm Glock pistol habang tumatakas ang suspek mula sa bahay ng matanda dakong 10:00 noong Lunes ng gabi.

Nakapasok ang suspek sa bahay ni Bautista sa pamamagitan ng pagsira sa screen ng bintana gamit ang kutsilyo sa ikalawang palapag ng kanyang bahay bago tinangay ang kanyang gamot, senior citizen card at P4,000.

National

Bagyong Carina lumakas pa, isa nang ganap na tropical storm

Habang siya ay nanonood sa telebisyon, nakarinig si Bautista ng kalabog sa bubungan ng kanyang, dahilan upang ito ay magsuspetsang may magnanakaw sa kanyang bahay at agad na kinuha ang kanyang baril.

Agad na sumuko si Bautista sa Police Community Precinct IV matapos ang pamamaril.

Ayon kay Barangay Chairman Rommel Nas, ilang beses nang nasangkot sa panloloob ang suspek sa kanilang komunidad. - Anthony Giron