Kabi-kabila ang mapaminsalang mga sapantaha laban kay Presidente Aquino hinggil sa kanyang pamamahala at sa kanyang kalusugan. Nagsimula ito sa masalimuot na Mamasapano massacre; isinisisi sa kanya ang kamatayan ng SAF 44 at ang mistulang pagkunsinti sa pananampalasan ng mga rebeldeng MILF. Isipin na lamang na lumutang pa ang mga ulat na siya ay hinimatay at isinugod sa ICU sa isang ospital.

Kabi-kabila rin naman ang pagtatanggi ng Malacañang na ang nabanggit na mga sapantaha ay bunsod ng mapaminsalang rumor-mongering o pagpapakalat ng mga tsismis. Mismong ang Pangulo ang nagpahiwatig na ang gayong mga ulat ay kagagawan ng kanyang mga kritiko na walang patumangga sa pagwasak ng matuwid na daan ng kanyang administrasyon.

Gayunman, hindi maiaalis na ang gayong mga sapantaha ay maging dahilan ng pagbansag sa kanya bilang lame-duck President. Hindi rin naman makatuwiran na ang pagpili o endorsement sa kanyang mga kaalyado sa pulitika o sa sinumang itatalaga sa gobyerno ay maituturing na kiss of death o matinding kamalasan. Nangangahulugan ba na ang mapipili niyang mga kandidato ay matatalo at ang hihirangin niyang mga government officials ay maihahabla at mapapatalsik?

Bahagi rin ng mga sapantaha na ang administrasyon ng Presidente ay mistulang isang lumulubog na barko o sinking ship. Bunsod marahil ito ng patuloy na pagbulusok ng kanyang trust ratings. Kung ito ay totoo, ang kanyang mga kaalyado sa pulitika, kabilang na ang kanyang Gabinete, ay magtalunan kaya sa sinasabing lumulubog na barko?

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ang gayong kalakaran ay hindi na dapat ipagtaka, kung sabagay. Nangyayari ito kahit na sa ating administrasyon. Noong panahon ni Presidente Arroyo, halimbawa, kumalas sa kanyang Gabinete ang tinaguriang Hyatt 10 na mistulang inampon naman sa Aquino Cabinet.

Ang pinangangambahang kiss of death ay mapatutunayan sa pagpili ni Presidente Aquino ng kanyang mga kandidato at sa paghirang ng mga opisyal ng gobyerno.