Dumepensa ang Sto. Niño Parochial School sa Quezon City laban sa isyu ng pagputol sa salutatory speech at mga alegasyon ni Krisel Mallari.

Sa kanyang official Facebook page, sinabi ng eskuwelahan na pinutol nila si Mallari sa gitna ng kanyang salutatory address dahil ang dapat sana ay magbigay siya ng “welcome remarks”.

“Ang laman ng kanyang talumpati o ’welcome speech’ ay hindi angkop bilang ’welcome speech’ kung ‘di paninira sa kanyang kapwa mag-aaral na Valedictorian, na ito raw ay nandaya at pinayagan ng paaralan,” ayon sa paaralan.

Polisiya ng paaralan na aprubahan ang lahat ng mga talumpati bago ito mailahad.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Nauna nang inamin ni Mallari na nagpasa siya ng talumpati na inaprubahan ng paaralan ngunit hindi niya ito binasa sa 13th Commencement Exercises na idinaos noong Marso 21.

“Dahil nararamdaman ko po na kung ‘yung tunay na speech ko po ‘yung binigay ko po, for sure ‘di nila tatanggapin,” aniya.

Sinagot din ng eskuwelahan ang mga alegasyon ni Mallari na hindi inilabas ang computation ng kanyang mga grado.

Ayon sa eskuwelahan, ang computation ng mga grado ni Mallari ay ipinakita sa kanyang amang si Ernesto. Gayunman, iginiit ni Ernesto na ipakita rin sa kanya ng paaralan ang mga grado ng Valedictorian.

“Halos araw-araw nitong nakalipas na Linggo ay hina-harass ni G. Ernesto Mallari ang mga guro,” saad sa opisyal na pahayag. “Ang isa ay sinigawan niya, ang ilan ay pinilit niyang pumirma sa papel na dala nito.”

Idinagdag din ng paaralan na sa lahat ng mga nakalipas na academic years, palaging may reklamo ang ama at palagi siyang pinakikinggan ng paaralan.

“Patuloy naming ituturo ang tama at totoo. Ang mabuti at makatarungan ayon sa turo ng Aming Patron na Sto. Niño kahit na may mga pagkakataon na hindi kami laging matagumpay sa aming mga nagsipagtapos,” pahayag ng paaralan.

Inaalam na ng Department of Education (DepEd) ang puno’t dulo sa isyu.

“We have already directed our legal team to coordinate with Deped NCR and Quezon City Schools Division Office to investigate the matter,” pahayag DepEd.

“We shall always respect the right of our students to express freely their thoughts and feelings, in light of existing laws and the provisions of our Constitution and in a manner and forum that is appropriate,” dagdag sa statement.

Binanggit ng DepEd na itutuon ang imbestigasyon sa totoong laman ng speech ni Mallari gaya ng alegasyon ng maling komputasyon sa kanyang grado at kung lumagpas ang mga opisyal ng paaralan sa kanilang karapatan at nalabag ang karapatan ng estudyante sa kagyat na pagputol sa kanyang talumpati. - Tessa Distor at Mac Cabreros