Bagamat nagpakita ng ‘di matatawarang performance si import Ivan Johnson na nakatulong sa Talk ‘N Text para makuha ang isa sa top two spots sa playoffs, hindi naman maaaring balewalain ang naging kontribusyon ng big man na si Ranidel de Ocampo.
Nagbigay ang 6-foot-5 Gilas Pilipinas mainstay ng liderato para sa Tropang Texters na hangad makabawi mula sa natamong 0-2 kabiguan sa eventual Philippine Cup champion na San Miguel Beer sa semifinals.
Nagtala si De Ocampo ng average na 18.5 puntos at 5.5 rebounds sa dalawang huling panalo ng Talk ‘N Text kontra sa San Miguel, 113-93, at Alaska, 101-93, na nagluklok sa kanila sa liderato at mapasakamay ang barahang 8-3 sa pagtatapos ng eliminations.
Nagsalansan ang dating St. Francis of Assissi standout ng 17 puntos at nakipagsanib-puwersa kay Johnson sa kanilang second-half scoring attack upang pataubin ang Beermen.
Makalipas ang apat na araw, tumapos ito na kulang lamang ng dalawang rebound para maikasa ang double-double sa kanyang itinalang 20 puntos at 8 rebounds para tulungan ang Talk ‘N Text na maungusan ang Alaska Aces.
Dahil sa kanyang ipinakitang performance, nakamit ng 33-anyos na si De Ocampo ang kanyang unang Accel-PBA Press Corps Player of the Week citation sa ginaganap na Commissioner’s Cup sa pagitan ng Marso 16-22.
Inamin ng 11-year PBA veteran na dumaan ang kanilang koponan sa adjustment period sa pagdating ni Johnson bilang kapalit ni reigning Best Import Richard Howell noong nakaraang buwan.
At natapos ang nasabing adjustment period nang tuluyang maintindihan ni Johnson ang kanyang kailangang gampanan para sa koponan.
“Iyong team namin marami ring bago pero kahit paano, malaking tulong si Ivan kasi nagagawan namin ng paraan. And tingin ko, nakukuha na din namin,” ani De Ocampo.