Hiniling ng kampo ni dating Cadet First Class Aldrin Cudia sa Supreme Court na baligtarin ang nauna nitong desisyon na pumapabor sa ipinataw na dismissal sa kanya ng Philippine Military Academy.
Sa kanyang motion for reconsideration na inihain sa pamamagitan ng Public Attorney’s Office, ipinunto ni Cudia ang diumano’y paglabag sa kanyang constitutional at human rights bilang batayan ng kanyang apela. Nakasaad sa mosyon na napagkaitan siya ng kanyang karapatan na komprontahin o harapin ang mga testigo laban sa kanya. Hindi rin aniya siya nabigyan ng pagkakataon na makapaglahad ng ebidensya at magkaruon ng patas na paglilitis. Hiniling din niya na muling maeksamen ng hukuman ang findings ng Commission on Human Rights.
Kalakip ng motion for reconsideration ay ang affidavit ni Cudia na naglalahad ng mga pangyayari noong Nobyembre 14, 2013 nang ay nahuli siya ng dalawang minuto sa kanyang klase sa English Class at pinagbatayan ng kanyang dismissal.