Limang dating opisyal ng Philippine Marine Corps (PMC) ang kinasuhan ng graft at malversation dahil sa paglustay ng P36 milyon na inilaan sa allowance at uniporme ng mga sundalo noong 2000.

Inihain ng Office of the Ombudsman ang kasong one count of violating the Anti-Graft and Corrupt Practices Act at one count of Malversation through Falsification laban sa limang dating opisyal ng Philippine Marines.

Kabilang sa mga kinasuhan ay sina retired Maj. Gen. Renato Miranda, Lt. Col. Jeson Cabatbat, Maj. Adelo Jandayan, Capt. Felicisimo Millado, at Capt Edmundo Yurong.

Ayon sa ulat, nai-raffle na ang kaso sa Sandiganbayan Third Division.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Sinabi ni Assistant Special Prosecutor III Anna Isabel Aurellano na nagkutsabahan ang lima sa paglulustay ng P36.7 milyon noong 2000 habang sila ay nakaposisyon sa hukbo.

Ipinaliwanag ni Aurellano na inilaan ang naturang halaga sa Combat Clothing Allowance at Individual Equipment Allowance ng mga sundalo ngunit hindi nila natanggap ang mga ito noong 1999.

Tumatayong disbursing officer ng PMC noong mga panahong iyon, sinabi ng Ombudsman na nasa pangangalaga ni Millado ang naturang halaga subalit kinalaunan ay ibinigay nito ang P36 milyong kay Jandayan.

Sinabi pa ng Ombudsman na ipinalitaw ng limang akusadong opisyal na natanggap na ng mga sundalo ang kanilang clothing allowance.