Mula sa P25, ang mga nanunuluyan sa worker’s inn ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na kilala bilang Gwapotel, sa Maynila ay sisingilin na ng P50 matapos isaayos ang pasilidad.
Sinabi ni Francis Martinez, MMDA Metro Parkway Clearing Group head, na saklaw ng bagong singil ang 12-oras na pananatili sa worker’s inn na may mga karagdagang amenity, mga bagong pinturang silid at mga palikurang mukhang bago.
Bukod sa muling pagpipintura sa mga pasilidad, sinabi ni Martinez na nag-spray din sila ng pest control sa mga silid kasunod ng mga reklamo ng mga transient na may mga ipis at lamok sa lugar. Pinalitan din ang mga sirang kutson, kinumpuni ang mga bintana, at dinagdagan ang electric fan.
Sa kabila ng pagtaas ng singil, sinabi ni Martinez na ang worker’s inn sa Bonifacio Drive sa Port Area sa Maynila ay nananatiling murang tuluyan para sa mga manggagawa mula sa malalayong lugar.
Ang apat na palapag na pasilidad, na may hiwalay na accommodations para sa lalaki at babae, ay kayang tumanggap ng hanggang 800 transient kada araw. Ang mga nagpapalipas ng gabi ay makikihati sa common sleeping area na may mga double deck.
Simula nang buksan noong 2007, ang Gwapotel ay naging paborito ng mga transient, estudyante, negosyante, at white-collar job employees mula sa mga lalawigan na may transaksiyon sa Maynila.