Mga laro sa Huwebes: (Biñan, Laguna)

4:15 pm Petron vs Foton

6:15 pm Shopinas vs Mane ‘N Tail

Masolo ang liderato ang pag-aagawan sa Huwebes ng Petron Blaze at Foton Tornadoes sa paglarga ng unang “Spike On Tour” ng 2015 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Kapwa taglay ang 1-0 marka, magsasagupa ang Petron at Foton sa ganap na alas-4:15 ng hapon habang nakatuon sa buwena-manong panalo ang Shopinas Lady Clickers at Mane ‘N Tail Lady Stallions sa ganap na alas-6:15 ng gabi.

“We are slowly bringing PSL to the provinces to introduce the sports and the league and to further popularized the sports in the community,” sinabi ni PSL president Ramon “Tatz” Suzara, na unang isinagawa ang “Spike On Tour” sa Vigan City, Ilocos Sur at Alonte Sports Center sa nakaraang kumperensiya na import-laden na PSL Grand Prix.

Muling darayo ang eliminasyon ng liga sa Alonte Sports Center sa Abril 11 bago ganapin ang “Spike On Tour” sa unang pagkakataon sa Quezon Convention Center sa Lucena City sa Abril 25. Huli itong paparada sa Imus, Cavite para sa krusyal na semifinal sa Mayo 16.

Kapwa winalis ng Foton Lady Tornadoes at Petron Blaze Spikers ang kanilang nakalaban sa pagbubukas ng liga upang pagsaluhan ang liderato. Tinalo ng Foton sa loob ng tatlong set ang Cignal HD Spikers, 25-18, 26-24, 25-23, habang hindi pinaporma ng Petron ang baguhang Philips Gold Lady Slammers, 25-16, 25-18, 25-23.

Sinandigan ng Lady Tornadoes sina Patty Jane Orendain na may 18 puntos na mula sa 16 spike at 2 service ace, gayundin ang rookie na si Nicole Tiamzon na may 14 puntos na mula sa 10 spike, 2 block at 1 ace upang itulak ang Foton sa unang pagwawagi sa All-Filipino Conference.

Inasahan naman ng 2014 Grand Prix champion na Petron Blaze si Dindin Santiago na may 13 puntos na mula sa 10 spike, 1 block at 2 service ace, gayundin si Frances Xinia Molina na may 7 puntos, ang bagong kuha na si Abigail Maraño na may 6 puntos at ang team captain na si Maica Morada na may 5 puntos.

Makikilatis din ang kalidad ng Shopinas na binubuo ng dating koponan ng 3-time champion La Salle sa paggiya ni head coach Ramil de Jesus sa pagsagupa sa nagpalakas na Mane ‘N Tail na bibigyan ng direksyon ng naging miyembro ng huling national team na 1993 SEA Games volleyball champion team na si Rosemarie Prochina.

Ang Shopinas ay binubuo nina Djanel Welch Cheng, Stephanie Mercado, Fatima Bia General, Faye Janelle Guevara, Riza Jane Mandapat, April Rose Hangpit, Jeushl Wensh Tiu, Arianna May Angustia, Charleen Cruz, Rochelle Sison, Alexandra Tan, Ki Kianna Dy, Divine Eguia at Micmic Laborte.

Ang Mane ‘N Tail ay binubuo nina Norie Jane Diaz, Arriane Mei Argarin, Therese Veronas, Jill Gustillo, Cendymei Amad, Danika Genrauli, Mariel Desengano, Lilte Mabbayad, Angelica Perez, Khristine Basco, Honey Royce Tubino, Abigail Praca, Marleen Cortel at Samantha Chloe Dawson.