UNITED NATIONS, United States (AFP) – Marami nang speeches ang ginawa sa UN podium, nakakaaliw man o nakakainip, ngunit nitong Biyernes ay hindi world leaders ang audience kundi mga bata, na nagkagulo sa speaker.

Nagsalita ang pop star na si Pharrell Williams — nagpasikat na awiting Happy — sa UN General Assembly para sa “International Day of Happiness” at nagbabala sa panganib ng climate change.

Matapos magsalita ni Pharrell, pumailanlang sa mga speaker ang saliw ng Happy sa karaniwan nang solemn hall at maraming teenager at bata ang nag-unahang makalapit sa singer bitbit ang kani-kanilang camera phone at umasang sasayaw siya.

Agad namang kumilos ang mga UN security guard sa pangamba na magkaroon ng stampede habang isang opisyal ang agad na nagsalita sa mikropono at nakiusap sa lahat na bumalik sa kani-kanilang upuan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nakikipagtulungan si Pharrell kay dating US Vice President Al Gore sa pag-oorganisa ng mga concert sa iba’t ibang bahagi ng mundo para isulong ang public pressure sa kasunduan sa climate change na suportado ng UN sa isang komperensiya sa huling bahagi ng taong ito sa Paris.

“You should know that happiness is your birthright,” sinabi ni Pharrell sa daan-daang bata sa audience, na ang mga placard ay nasusulatan ng “#happyplanet” sa halip na ang karaniwang pangalan ng mga estadong miyembro ng UN.

“If you don’t take care of your home, you don’t have a life, so we have to know transition from climate change to climate action,” aniya.

Kasama ni Pharrell ang environmentalist na siPhilippe Cousteau Jr. sa pagbibigay-babala laban sa epekto ng climate change na mistulang mas malala kaysa pinangangambahan, tinukoy ang pananalasa kamakailan ng Cyclone Pam na winasak ang isla ng Vanuatu, bukod pa sa mabilis na pagkatunaw ng niyebe sa Arctic.

‘HAPPY’ PLAYLIST

Bilang bahagi ng International Day of Happiness, nakipagtulungan ang United Nations sa streaming service na MixRadio sa paglikha ng playlist.

Maraming musician at aktor ang nag-alok ng selections nang tanungin kung aling awitin ang nagpapasaya sa kanila.

Pinili ni Britney Spears ang Kiss ni Prince, ang 1976 peace anthem na Harvest of the World naman ng The Isley Brothers ang choice ni Fatboy Slim, habang musika naman ni Bach na ini-record ng yumaong si Pablo Casals ang nakapagpapasaya sa cello great na si Yo Yo Ma.

Ang Got to Give It Up ni Marvin Gaye ang happy song para sa singer-songwriter na si John Legend.

Idineklara ng United Nations ang International Day of Happiness — na kasabay ng unang araw ng tagsibol sa Northern Hemisphere — noong 2012 sa inisyatiba ng Bhutan, ang bansa sa Himalayan na sumusukat sa “Gross National Happiness” bilang standard economic indicator.