Natitiyak kong mayroon kang inaasintang pangarap ngayong taon o sa susunod na tatlong taon. At malamang hindi lamang iisa ang pangarap mo kundi napakarami: maaaring pagbabawas ng timbang o pagpapapayat para magmukhang bata, gumawa ng limpak-limpak na salapi, ang ma-promote matapos ang ilang dekada ng pagtatrabaho, o mag-aral upang umangat ang iyong kuwalipikasyon.
Huminto ka muna sa pagbabasa nito at isipin sandali kung anu-anong pangarap ang binubuhay mo sa iyong utak – maaaring ang mga iyon ang mga bagay na sinabi mo sa iyong sarili na “kailangan” mong gawin, ngunit hindi mo naman natutupad o hindi nagkaroon ng progreso. Isulat mo ang mga iyon. Kanino bang mga pangarap ang naisulat mo? Hindi ba napaka-estupidong tanong iyon? Eh, talaga namang mga pangarap mo iyon, di ba?
Ngunit kung susuriin mong mabuti, ang mga pangarap “mo” na iyon ay maaaring hindi sa iyo. Iyon ay maaaring sa mga magulang mo (Anak, gusto kong maging doktor ka!), o sa best friend mo (Sana maging lawyer ka), o ng pamayanan ninyo (Kailangan ngayon ng baryo natin ang isang dentista.)
Narito ang paraan kung paano nagiging iyo ang pangarap ng ibang tao at kung bakit kailangang manaig ang sa iyo:
- Ang pangarap ng iyong mga magulang. - Natural lamang na bongga ang pangarap ng mga magulang (o pamilya) para sa kanilang mga anak. Maaaring hirap ang kanilang pinagdaanan at nagsakripisyo upang maitaguyod ang kanilang mga supling. Maaaring may idea sila kung ano ang “mahusay” na career upang gumanda ang buhay. Upang masunod ang pangarap ng magulang, iginigiit nila sa anak na huwag nang ipursige ang isang partikular na aktibidad o pag-aaral sapagkat “walang pera roon”. Tinutuon nila ang qualification o career ng anak tungo sa pangarap nilang propesyon (doktor, lawyer, engineer, atbp). Hinihimok ang partikular na paraan ng pamumuhay sa pamamagitan ng pagbatikos sa mga gawaing itinuturing nilang “ mali ”. At sa pagkukuwento ng tagumpay ng iba pang miyembro ng pamilya.
Sundan sa susunod na issue.