Ikinagalak ng Malacañang ang resulta ng isang global survey na nagsabing ikalima ang mga Pilipino sa pinakamasasayang tao sa mundo.
“Siyempre po dapat nating ikagalak ang nabatid nating balita hinggil diyan, dahil sa pagitan naman siguro ng kagalakan at kalungkutan, mas marami ang pipiling palagi ng kagalakan at pagiging masaya,” pahayag ni Presidential Communications Operations Office Secretary Herminio Coloma, Jr., sa panayam ng DZRB Radyo ng Bayan.
Base sa research ng Gallup, isang performance-management consulting firm na nakabase sa Amerika, nakakuha ang Pilipinas ng 80 puntos sa survey ng pinakamasasayang mamamayan sa mundo.
Nangunguna sa survey ang Paraguay, na may 89 na puntos, kasunod ang Colombia, Ecuador at Guatemala na kapwa nasa ikalawang posisyon na may iskor na 84.
Pawang nasa ikatlong puwesto naman ang Honduras, Panama at Venezuela, na may tig-82 puntos.
Nagsama-sama sa ikaapat na puwesto ang Costa Rica, El Salvador at Nicaragua na may tig-81 puntos.
Tinanong ng Gallup ang 1,000 katao na may edad 15 at pataas sa bawat bansa at inusisa hinggil sa Positive Experience Index.
Kabilang sa mga katanungan ang: Nakapagpahinga ka ba nang lubos? Madalas ba silang ngumiti o tumawa? May maganda ka bang natutunan sa kanila?
Noong 2012, pumosisyon sa ikaapat na puwesto ang Pilipinas sa Gallup survey kasama ang Guatemala. - Philippine News Agency