Dapat mabatid ng gobyerno ng Amerika ang epekto ng madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao sa interes ng Amerika sa Pilipinas.

Igiiit ni Greg Poling, analyst ng Center for Strategic and International Studies (CSIS) na nakabase sa US, ang mga posibleng epekto ng Mamasapano incident sa interes ng Amerika sa kampanya nito laban sa terorismo, sa usapang pangkapayapaan ng gobyerno ng Pilipinas at Moro Islamic Liberation Front (MILF), at sa PH-US Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

“The Mamasapano raid and its aftermath have presented the Aquino administration with the greatest challenge it has faced. The potential domestic damage is far reaching. But Washington should not view the matter as one affecting only domestic Philippine political and security concerns. Mamasapano could have very real long-term consequences for U.S. interests,” pahayag ni Poling.

Bukod dito, sinabi ni Poling na nabawasan din ang tiwala ng mga mamamayan sa administrasyong Aquino sa pagkamatay ng 44 na tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa Mamasapano noong Enero 25, dahilan upang manawagan ang oposisyon sa pagbibitiw ni PNoy.

Politics

Sen. Bato, ibinalandra ‘Magkaisa huwag mang-isa’ placard sa peace rally ng INC

Aniya, sinusubaybayan ngayon ng mga US policymaker ang krisis na idinulot ng Mamasapano incident sa gobyerno ng Pilipinas.

Mayroon ding impormasyon na ilang Amerikano ang sangkot sa pumalpak na cover operation laban sa Malaysian bomb expert na si Zulkifli Bin Hir, alyas Marwan, at kakutsaba nitong si Basit Usman.

Base sa ulat ng PNP Board of Inquiry na isinapubliko noong Marso 13 at sinundan ng resulta ng imbestigasyon ng Senado, kinumpirma ng mga ito ang naging papel ng mga sundalong Amerikano sa training, intelligence gathering, paggiya, at pagsubaybay sa operasyon.

Tumulong din ang mga Amerikano sa paglikas ng mga sugatang tauhan ng PNP-SAF.

Subalit sinabi ni Poling na hindi nabanggit sa mga ulat ang benepisyo ng Pilipinas sa ibinigay na suporta ng US sa operasyon. Sa halip, ikinabahala ng mga mambabatas at publiko ang pakikialam ng mga Amerikanong sundalo sa operasyon laban kay Marwan bagamat itinago ito sa kaalaman nina Interior and Local Government Secretary Mar Roxas at PNP Officer-in-charge Deputy Director General Alan LM Purisima. - Elena Aben