BURUANGA, Aklan - Ipinasara ng lokal na pamahalaan ng Buruanga ang sikat na cliff diving spot na Ariel's Point dahil sa umano’y patuloy na paglabag nito sa mga lokal at pambansang batas.
Ayon kay Vincent Larupay, information officer ng Buruanga, kabilang sa mga nilabag ng Ariel's Point ang pagkakaroon ng hindi maayos na septic tank, hindi pagbabayad ng tamang environmental fee, pagkakalat sa dagat ng basura ng mga bisita nito, at iba pa.
Marso 11 iniutos ang pagpapasara sa Ariel’s Point, pero napaulat na itinuloy pa rin nito ang operasyon at patuloy na tinatanggap ang mga turistang nais mag-cliff diving.
Sa isang press conference, naniniwala ang pamunuan ng Ariel's Point na ilegal ang pagpapasara sa Buruanga dahil wala umanong mailabas na court order ang pamahalaang bayan.
Matatandaang kinilala ng pahayagan sa Amerika na Huffington Post ang Ariel's Point bilang isa sa mga sikat na cliff diving site sa mundo.