Nais ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang istriktong monitoring sa implementasyon ng tax stamps sa sigarilyo upang matiyak ang full compliance ng tobacco manufacturers.
Sinabi ni BIR Commissioner Kim S. Jacinto-Henares na ang tax agency ay magkakaroon ng monitoring team para sa Internal Revenue Stamps Integrated System (IRSIS) matapos magpaso ang deadline noong Marso 1, 2015.
“I think everyone is complying because nobody is complaining, I’m not getting any complain coming from the public, but I will tell our Large Taxpayers Service (LTS) to monitor its implementation,” wika ni Jancinto-Henares.
Ngunit sinabi ng BIR chief na nasaksihan ng ang ahensiya ang “significant increase” sa excise tax collections sa unang tatlong buwan ng taon.
Nakatulong sa pagtaaas ng koleksiyon ang pagkawala ng “front-loading” sa huling bahagi ng 2014.
Ang front-loading ay isang kaugalian ng cigarette manufacturers bago ang IRSIS upang makaiwas sa full weight ng tax increase sa susunod na taon.
“When we implement something, the presumption is everyone is following, we can’t presume people are not following, that’s why we need to monitor,” ani Jacinto-Henares.
“I’m not ready to say that before stamp tax some were cheating because that’s an accusation that needs support,” dagdag niya.
Nauna nito, sinimulan ng gobyerno ang pagpapatupad ng IRSIS. Simula noong Disyembre ng nakaraang taon, ang lahat ng local cigarette manufacturers ay inoobligang magdikit ng numbered stamps sa bawat pakete ng sigarilyo at epektibo sa buwang ito, ang lahat ng manufactured cigarettes sa merkado ay dapat na mayroong mga selyo.
Ipinatupad ni BIR ang IRSIS upang mahuli ang diumano’y “illicit cigarette trade in the local market.”
Bago nito, iniulat ng BIR na ang excise tax collections mula sa tinaguriang sin products ay P50.18 bilyon noong nakaraang taon, nalagpasan ang target na P42.86 bilyon, ngunit mas mababa kumpara sa P51.12 bilyon na nakolekta noong nakaraang taon.
Noong 2014, halos P39.39 bilyon na karagdagang buwis ang nakolekta mula sa tobacco products, katumbas ng bulto o 78.5 porsiyento ng kabuan. Ang nalikom noong nakaraang taon mula sa tobacco, gayunman ay mas mababa kaysa P41.82 bilyon noong 2013.
Ang mga produkto ng alak ay nag-ambag ng P10.79 bilyon sa karagdagang mga buwis noong 2014, mas mataas kaysa P9.29 bilyon na nakolekta noong 2013. - Chino Leyco