Nagsagawa ng hiwalay na seremonya ng pagtataas ng watawat ang dalawang naninindigang alkalde ng Makati na sina Mayor Jejomar Erwin “Jun-Jun” Binay at Vice Mayor Romulo “Kid” Peña kahapon ng umaga.
Pinangunahan nina Mayor Jun-Jun at Senator Nancy Binay ang seremonya sa harap ng kasalukuyang city hall dakong 8:00 ng umaga na dinaluhan ng konseho,department heads at mga kawani habang nakapalibot sa bisinidad ang mga tauhan ng MAPSA.
Kinikilala pa rin ng mga ito bilang lehitimong alkalde ng Makati si Binay dahil sa nakuhang temporary restraining order (TRO) sa Court of Appeals na pumigil sa suspensiyon.
Habang sa lumang munisipyo naman naglunsad si acting Mayor Peña ng kanyang flag raising ceremony kasama ang kanyang mga tagasuporta na nakasuot ng puti na T-shirt na may nakasulat na “Huwag kang magnanakaw” at mga puti na lobo.
Kahapon inihayag sa mga mamamahayag ni Peña na maglalabas siya ng utos na papalitan na ang mga opisyal at department heads na nabigo niyang pasunurin na binatikos naman ni Binay.
Kinumpirma rin ng acting mayor na nagsumite na sila ng tatlong pangalan sa Department of Finance na maaaring pumalit sa City Treasurer upang maipagpatuloy na ang pagbibigay serbisyo sa mga residente ng Makati at magampanan ang inatas na tungkulin sa kanya bilang acting mayor matapos manumpa sa Department of Interior and local Government (DILG) kasunod ng isinilbing suspension order mula sa Ombudsman laban kay Binay at 14 iba pa.
Bukas si Peña sa diyalogo sa kampo ni Binay para sa tuluyang pagtanggap sa kanya bilang tunay na alkalde ng lungsod subalit hindi ito kinagat.
Tuloy naman si Binay sa pagpirma sa mga dokumento kabilang ang isang proyekto sa pagitan ng lokal na pamahalaan at Department of Trade and Industry (DTI) na ayaw namang magkomento ng kagawaran sa nangyayaring tensiyon sa pulitika sa lungsod.
Noong Linggo nagbalik sa Makati City Hall quadrangle ang 2,000 tagasuporta ni Binay makaraang matanggap umano ang ulat na tangkang pasukin ang bagong city hall ng grupong sumusuporta kay Peña pakatapos ng seremonya ng pagtataas ng bandila bagay na itinanggi ng acting mayor.
Sarado pa rin ang mga entrance ng city hall habang nabawasan naman ang presensya ng pulis sa lugar.