Sa mistulang pagpapalala sa umiinit nang usapin, tinuligsa kahapon ni Justice Secretary Leila de Lima ang temporary restraining order (TRO) na inilabas ng Court of Appeals (CA) noong nakaraang linggo kaugnay ng preventive suspension ni Makati City Mayor Jejomar Erwin Binay Jr.

Nagsalita sa Rotary International district conference nitong Biyernes, sinabi ni De Lima na walang kapangyarihan ang CA para harangin ang mga hakbangin ng Office of the Ombudsman.

Ito ang unang beses na binatikos ng kalihim ang appellate court sa pagpapalabas ng TRO na nagpatigil sa suspensiyon ni Binay.

Tinawag ang TRO na “undue interference” sa mandato ng anti-graft office na imbestigahan ang mga kaso ng korupsiyon laban sa mga opisyal ng gobyerno, sinabi ni De Lima na “Courts are not supposed to interfere unless the office of the Ombudsman acted without jurisdiction or with grave abuse of discretion amounting to lack or excess of jurisdiction.”

National

Disyembre 26, 2024 hindi idedeklara bilang holiday – Malacañang

Tinukoy ni De Lima ang Section 14 ng RA 6770 (Ombudsman Act), na nagbabawal sa pag-iisyu ng mga injunction, gaya ng TRO, ng alinmang korte na magpapaliban sa isinasagawang imbestigasyon.

Sinabi pa ni De Lima na sa nasabing probisyon ay nakasaad na tanging ang Korte Suprema “can hear an appeal or application for remedy against the decision or findings of the Ombudsman—but only on pure question of law.”

Dahil dito, sinabi ng kalihim na “inexplicable” ang pag-iisyu ng CA ng TRO.

Gayunman, hindi napigilan ng TRO ang pagsisiyasat ng Ombudsman laban kay Binay kaugnay ng umano’y mga anomalya sa pagpapatayo ng Makati City Hall Building 2. Inutusan lang nito ang Ombudsman laban sa pagpapatupad ng anim na buwang suspensiyon kay Binay habang iniimbestigahan pa ang alkalde.