Marso 23, 1998 nang masungkit ng Titanic ang 11 Academy Awards (Oscars), kabilang ang pinakahinahangad na Best Picture citation. At napasigaw ang Titanic director na si James Cameron ng “I’m the king of the world!”
Isinapelikula ang teribleng 1912 Titanic maiden voyage, nang lumubog ang barko sa north Atlantic Ocean matapos sumalpok sa isang iceberg. Bida sa pelikula sina Leonardo DeCaprio bilang Jack Dawson at Kate Winslet bilang Rose DeWitt Bukater.
Aabot sa $200 million ang nagastos sa pelikula, mas mahal kumpara sa karamihan ng ibang pelikula sa kasaysayan ng Hollywood. Kinunan ang pelikula sa Mexico, at ilan sa cast at crew members ang nagreklamo dahil kinailangang tuluy-tuloy na magtrabaho nang mahigit 20 oras, habang tinitiis ang lamig sa dagat.
Ipinalabas ito noong Disyembre 1997, at naging unang pelikula na umabot sa $1 billion ang kinita sa mundo. Umani ng papuri ang pelikula lalo na sa visual effects.