Si Senator Miriam Defensor Santiago, chairperson ng Senate constitutional amendments committee, pa rin ang pinakamaimpluwensiyang senador sa social media.
Ito ay makaraang dumoble ngayong buwan ang followers ng kanyang mga Facebook at Twitter account kumpara sa kaparehong panahon noong 2014.
Kilalang constitutionalist, napabilang si Santiago sa 10 Most Influential Filipinas in 2015 ng isang kilalang news network. Mayroon siyang 2,618,263 follower sa kanyang official Facebook page nitong Marso 18, mula sa 1.3 milyon noong nakaraang taon.
Umabot na rin sa milyon ang kanyang Twitter following sa unang bahagi ng taong ito, at nasa 1,348,420 na nitong Marso 18. Higit pa ito sa doble ng kanyang 649,000 follower noong Marso 2014.
Tanging si Santiago lang ang senador na umabot sa milyon ang followings sa nabanggit na dalawang social media platform.
Sa Facebook, runner up ni Santiago si Sen. Alan Peter Cayetano (543,744 follower), kasunod sina Francis Escudero (491,123), Antonio “Sonny’’ F. Trillanes IV (398,778) at Cynthia A. Villar (98,536).
Sa Twitter, si Sen. Pia Cayetano ang ikalawang may pinakamaraming following kasunod ni Santiago na nasa 359,330, kabuntot sina Escudero (220,143 follower), Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (191,968) at Sen. Edgardo “Sonny” Angara Jr. (63,278).
Sa mga opisyal ng gobyerno, ikalawa si Santiago sa most social media-savvy, kasunod ni Pangulong Benigno S. Aquino III, na may 4,280,771 fan sa official Facebook page nito at 2,497,817 Twitter follower.