Ni JC Bello Ruiz
Si Interior Secretary Manuel Roxas II ang “number 1” sa mga pinagpipilian ni Vice President Jejomar Binay para maging vice presidential running mate niya.
At sa press conference sa Cebu noong nakaraang linggo ay iginiit ni Binay na hindi siya nagbibiro.
“Believe it. Sinabi ko na nga sa ‘yo. I’m serious. Kayo lang tumatawa. Hindi ko malaman sa inyo kung paano ko kayo kukumbinsihin,” sinabi niya sa isang reporter na natawa sa tugon ng Bise Presidente nang tanungin tungkol sa makakatambal niya sa pagkandidatong pangulo sa 2016.
Itinuturing na mortal na magkaribal sina Binay at Roxas makaraang matalo ng dating alkalde ang dating senador sa vice presidential race noong 2010.
Matatandaang tumaas pa ang 26 na porsiyentong rating ni Binay noong Nobyembre 2014 sa 29 na porsiyento sa presidential preference survey na isinagawa noong Marso 1-7.
Ayon sa kampo ni Binay, ang resulta ng survey “exhibit the people’s continued trust and unwavering support” para sa Bise Presidente sa kabila ng mga alegasyon ng korupsiyon laban dito.
Samantala, mula sa 6% noong Nobyembre ay bumaba pa sa 4% ang survey rating ni Roxas sa huling Pulse Asia survey.
Sinabi ni Binay na napipisil niyang running mate si Roxas at depende lang sa kalihim kung tatanggapin nito ang alok niya, idinagdag na kahit magkaiba sila ng partido ay “nothing is impossible in politics”.