Ni GENALYN D. KABILING

Hinikayat ng isang opisyal ng Malacañang ang mga Pinoy na maghayag ng kanilang suhestiyon at komento sa mga account ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa social media sa pagsusulong ng transparency at accountability sa gobyerno.

“Handa ang pamahalaan na magbigay ng karagdagang impormasyon at patuloy na magpaliwanag sa mga mamamayan, hindi lamang hinggil sa naganap sa Mamasapano, kung hindi tungkol sa lahat ng mga mahahalagang isyu na kinakaharap ng bansa,” pahayag ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. sa panayam sa radyo.

“Bukas din kaming tumanggap ng suhestiyon mula sa aming mga boss, ang mga mamamayan, kung paano mapapahusay ang mga patakaran at programa ng pamahalaan,” dagdag ni Coloma.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ito ay matapos lumitaw sa huling survey ng Pulse Asia na maraming Pinoy ang hindi kumbinsido sa paliwanag ni PNoy hinggil sa madugong bakbakan sa Mamasapano, Maguindanao, na 44 na police commando ang napatay.

Maging si Senator Antonio Trillanes IV, na kilalang kaalyado ng Pangulo, ay kumbinsido na maraming talumpati si PNoy na itinuturing ng senador na “sablay” at nagdulot lang ng kalituhan at pagkamuhi sa sambayanan.

Bilang reaksiyon sa obserbasyon ni Trillanes, sinabi ni Coloma na batid ng Palasyo na maraming mamamayan ang dismayado sa mga pahayag ng Pangulo hinggil sa madugong insidente sa Mamasapano at naiintindihan din ng gobyerno ang sentimiyento ng mga naulila ng 44 na tauhan ng Philippine National Police- Special Action Force (PNP-SAF).

Naniniwala si Coloma na magiging malaking tulong sa gobyerno ang mga reaksiyon at komento ng mga Pinoy sa website at social media account ng Pangulo hinggil sa mga pangunahing isyu sa bansa.