IGINIGIIT ni ex-Pres. Fidel V. Ramos na kailangang humingi ng paumanhin o patawad si Pangulong Noynoy Aquino kaugnay ng pananagutan niya sa Mamasapano encounter. Sinabi rin ng dating Pangulo na may umiiral na chain of command sa PNP salungat sa paniniwala ni DOJ Sec. Leila De Lima. ‘Di ba sabi nga ni Pope Francis, ang pagpapakumbaba ay isang katangian na dapat taglayin ng isang tao, kahit gaano pa kataas ang kanyang posisyon.
Sa ulo ng balita noong Huwebes ng Manila Bulletin, nandidilat ang balitang “Just say sorry, FVR advises PNoy” na may kasamang litrato ni Mr. Tabako na hawak-hawak ang kopya ng Executive Order 226 o ang rule of command responsibility sa PNP na inisyu niya noong 1995.
Ano ba ang nangyayari kay Sec. Leila? Bakit niya sinasabing walang chain of command sa PNP dahil ito ay isang civilian agency? Hindi ba alam ni Sec. Leila na maging si PNoy ay itinuturing ang sarili na commander-in-chief ng PNP sa ilang okasyon na panauhin siya sa pagdiriwang ng PNPA?
Maging si ex-PNP chief at ex-Sen. Panfilo Lacson ay naninindigan na may umiiral na chain of command sa PNP. Sabi nga ni Lacson, lagi silang sumasaludo sa Pangulo kapag may pagdiriwang na dinadaluhan ito at ang Pangulo naman ay gumaganti rin ng pagsaludo. Ang pagsaludo ay tanda na siya ang commander-in-chief. Oo nga naman, sumasaludo ba ang mga opisyal at kawani ng alinmang departamento, ahensiya o tanggapan ng gobyerno kapag naroroon o dumadalaw ang Pangulo?
Lubha raw nasaktan si PNoy sa ulat ng Board of Inquiry (BOI) na pinamunuan ni CIDG chief Director Benjamin Magalong. Ipinatawag siya ni PNoy sa Malacañang at nakipag-usap upang magpaliwanag sa kanyang role sa Oplan Exodus. Parang kumambiyo si Magalong sa harap ng Pangulo at sinabing hindi naman nila sinasabing lumabag sa chain of command si PNoy. Aba naman, maliwanag sa BOI report na nilampasan ni PNoy ang chain of command dahil ipinamahala niya kay suspended PNP Chief Director General Alan Purisima ang Mamasapano operations at “iniwan sa dilim” sina DILG Sec. Mar Roxas at OIC Deputy Director General Leonardo Espina sa Oplan Exodus. Ano ba ito Gen. Magalong?
Tungkol sa matapang at prangkang report ng Senado--Senate Committee on public order and dangerous drugs, Senate committee on finance, at Senate committee on peace, unification and reconciliation-- tahasang sinabi ni Sen. Grace Poe na lumabag sa chain of command si PNoy at “he is ultimately responsible” sa operasyon.