MAGPAPATULOY ang peace process. Kailangang magpatuloy ito. Ngunit waring kailangang tupdin iyon sa pamamagitan ng bagong pamamalakad, kung pamali-mali ang Bangsamoro agreement bunga ng Mamasapano tragedy.

Sa isip ng publiko, ang kamatayan ng 44 ng Special Action Force (SAF) commando ay may kaugnayan sa pagsusulong ng Bangsamoro project – ang ayuda sa pinaslang na mga commando ay pinigil ng mga alalahanin ng ilang opisyal na maaaring mapahamak ang peace process ng anumang rescue effort. Sa harap nitong lumalagong impresyon, ang isulong ang planong Bangsamoro sa panahon ngayon ay maaaring matanaw bilang isang pagkakanulo sa sakripisyo ng SAF 44.

Ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) mismo ay nagdadalawang isip sa naturang kasunduan. Nang lumitaw sa mga pahayagan ang insidente ng Mamasapano, nagtanong ang MILF kung bakit walang ginawa ang gobyerno upang makipag-coordinate sa kanila, kung kailan umiiral ang ceasefire agreement. Noong Marso 14, sa isang panayam ng Reuters, sinabi ni MILF Chairman Ebrahim Murad, hindi tatanggapin ng MILF ang isang malabnaw na autonomy at handang makipag-usap sa isang bagong gobyerno pagkatapos ni Pangulong Aquino.

Ngunit ang pinakamalaking hadlang sa isang solusyon ay ang Bangsamoro Basic Law (BBL) bill mismo. Sunud-sunod na binatikos ang iba’t ibang probisyon ng bill at kinondena ito bilang unconstitutional. Kabilang dito ay ang probisyong nagkakaloob ng “exclusive powers” sa Bangsamoro government na hindi kasama ang national government. Isa pang probisyon ang kumikilala sa isang partikular na relihiyon (Islam) bilang basehan ng Bangsamoro government, na labag naman sa probisyon ng Konstitusyon hinggil sa separasyon ng simbahan at estado. Panukala ng BBL na magtatag ng isang parliamentary system na gobyerno, na taliwas naman sa Konstitusyon na nagdedeklara sa Pilipinas bilang republican state.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Kahit bago pa man ang Mamasapano incident, nagsimula ang peace process na isinusulong ng Aquino government sa MILF sa maling akala na magkakaroon nga ng kapayapaan sa Mindanao, kung malalagdaan ang kasunduang gobyerno-MILF. Ang peace talks ay sa MILF lamang, at hindi kasama ang MNLF at iba pang armadong grupo sa Mindanao – ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), ang New People’s Army (NPA), ang Abu Sayyaf, at ngayon ang Justice Islamic Movement (JIM).

Kung ang kasalukuyang peace effort sa MILF na ito ay mabigo bunga ng mga kadahilanang inilutang ng dalawang panig, hindi dapat ito iurong. Dapat pa ngang himukin ang mga may kinalaman upang makita kung ano ang naging pagkakamali at magpatuloy mula roon. Ang pinakamahalaga sa lahat ay ang pangangailangang magbalangkas ng isang peace agreement na sumasaklaw sa lahat ng partido, hindi lamang sa isa sa mga grupong lumalaban.

Kailangang magpatuloy ang peace process. At kailangang matuto iyon mula sa mga pagkakamali ng nakalipas.