ISUMBONG MO ● Nalalapit na ang Semana Santa at malamang na nakahanda ang mas nakararami nating kababayan ang magsisiuwi ng kani-kanilang probinsiya upang doon idaos ang isa ring mahalagang pagdiriwang sa pananampalatayang Katoliko. Sapagkat dadagsain ng mga pasahero ang mga bus terminal at pantalan, malamang dito nakakalat ang mga kampon ni Satanas: mga mandurukot, snatcher, magnanakaw, at kidnapper. Kaya minarapat ng Philippine National Police (PNP) ang maglaan ng proteksiyon hindi lamang sa mga lugar na ito.

Iniulat na pinakilos ni PNP officer-in-charge Deputy Director General Leonardo Espina ang pambansang pulisya na panatilihing ligtas ang bibiyahe nating mga kababayan at mga motorista. Huwag magtaka kung maraming pulis tayong makikita sa mga terminal at matataong lugar, pati na sa mga lansangang dinaraanan ng maraming sasakyan. Kaya kung magkaproblema tayo sa seguridad o may nakikita tayong hindi kanais-nais na maaaring magdulot ng kapahamakan sa publiko, malaya nating maipararating sa PNP sa pamamagitan ng kanilang Twitter account: @pnppio at @pnphotline, sa kanilang PNP Facebook page, at sa TSIP hotline na 09178475757. Payo ni Espina sa publiko ang doblehin ang pag-iingat. Ang payo ko naman, kopyahin ang numero ng PNP pati na ang kanilang social media accounts sa artikulong ito sa inyong cellphone o gupitin na lamang at itago sa inyong wallet, bilang paghahanda sa anumang mangyari.

***

MALA-YOLANDA ● Dumaranas ngayon ng matinding kahirapan ang hinagpis ang halos kalahati ng populasyon ng Republic of Vanuatu – isang bansa na matatagpuan sa South Pacific Ocean na hinagupit kamakailan ng isang category 5 na unos na tulad ni “Yolanda”. Iniulat na mahigit 166,000 katao ngayon ang humihingi ng tulong, ayon sa United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs. Gayong may mga indibiduwal at organisasyon ang umaayuda sa naturang mga naapektuhan ng bagyo, hindi na tatagal ang kanilang supply ng pagkain at tubig. Ang Vanuatu ay isang archipelago – tulad ng Pilipinas, na binubuo ng 82 maliliit na isla (65 dito ang walang tao), at 15 lamang sa mga isla ang naabutan ng tulong. Sapagkat malawak ang pinsala ng nagdaang bagyo, prioridad ngayon ng mga ahensiya sa kawanggawa ang bigyan ang mga naapektuhan ng pagkain at inuming tubig. May ilang eksperto ang naniniwala na marami pang unos ang sasapit sa daigdig bunga ng climate change. Sana unahin muna ng malalaking industriya sa malalaking bansa ang kapakanan ng planeta kaysa kanilang bulsa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente